29.9 C
Manila
Huwebes, Oktubre 10, 2024

Kontribusyon ng industriya ng petrochemical sa ekonomiya ng Pilipinas

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

PINASINAYAAN ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Enero 19, 2024 ang pinakamalaking petrochemical complex sa bansa. Ang planta ng JG Summit Olefins Corporation na matatagpuan sa Batangas City ay pag-aari ng pamilyang Gokongwei. Nagalak ang Pangulo sa pagpapalawak ng pagproseso ng mga petrochemical ng kompanya dahil sa kontribusyon nito sa pambansang kita na tinatayang aabot sa P215 bilyon sa 2025 at sa paglikha ng tuwiran at di tuwirang empleo na tinataya sa 6,200 manggagawa.

Ang industriya ng petrochemical ay ang pagproproseso ng krudong langis, natural gas, uling, niyog, asukal at marami pang ibang produktong  may langis upang lumikha ng napakaraming kemikal tulad ng acetylene, benzene, ethane, ethylene, methane, propane, at hydrogen.

Bakit mahalaga ang isang industriya ng petrochemical sa isang ekonomiya? Una, napakaraming produktong magagawa gamit ang mga kemikal na nabanggit sa itaas bilang mga hilaw na sangkap.  Tinatayang aabot sa halos 6,000 produkto ang magagawa nito tulad ng plastic, sabon, detergent, solvent, gamot, pataba, pesticide, explosive, synthetic fiber at goma, pintura, epoxy resin, at flooring at insulating material at marami pang iba. Ikalawa, dahil ang mga kemikal na nabanggit ay ginagamit bilang mga hilaw na sangkap sa pagprodyus ng maraming produkto napakahigpit ng kapit o forward linkages ng industriya ng petrochemical sa iba’t ibang industriya ng ekonomiya. Ikatlo, ang industriya ng petrochemical ay susi tungo sa industriyasyon ng isang bansa. Nabanggit ko ang paksang ito sa kolum dito noong Oktubre 26, 2023 na ang industriya ng mga hilaw na sangkap tulad ng petrochemical ay naging susi sa pagsulong ng mga industriya sa South Korea at Taiwan mula pa noong dekada 1960 at 1970. Sa halip na mag-angkat ang mga ekonomiyang nabanggit ng napakaraming intermedyet na produkto o mga hilaw na sangkap tulad ng mga produktong petrochemical sila na ang nagprodyus ng mga ito sa loob ng bansa sa pamamagitan ng pagtataguyod ng patakarang nagpapalit ng mga inaangkat na intermedyet na produkto. Sa dami ng mga produktong ito at sa lawak ng mga industriyang gumagamit ng mga intermedyet na produkto naging masigla ang epekto nito sa napakaraming industriya sa bansa na nagpasulong sa industriyalisasyon ng bansa.

Kahit napakalawak ng mga positibong kontribusyon ng industriya ng petrochemical ito rin ay humaharap sa mahahalagang hamon na nakapagbabawas sa kanilang ambag sa ekonomiya.


Una, saan manggagaling ang krudong langis na iproproseso ng industriya ng petrochemical? Kung ito ay aangkatin, ang hamon ay ang posibilidad na maputol ang akses sa mga krudong langis sa panahon ng sigalot sa Gitnang Silangan. Samantala, ang pagbabawas ng iniluluwas na krudong langis ng mga bansang miyembro ng OPEC ay maaari ding magpataas ng presyo ng krudong langis. Sa mga ganitong sitwasyon maaaring mauwi ito sa mataas na gastos ng produksiyon ng mga pinoprodyus na mga kemikal ng industriya.  Kung ito naman ay magmumula sa loob na bansa, may sapat bang suplay ang bansa krudong langis at natural gas sa matagalang panahon? May hamon din kung ang gagamiting hilaw na sangkap ng industriya ng petrochemical ay uling at mga produktong agrikultural tulad ng langis sa niyog  at asukal. Sa ganitong sitwasyon maaaring isakripisyo ang kapaligiran at kalikasan sa pag-aani ng mga produktong di krudong langis upang magamit na hilaw na sangkap sa industriya ng petrochemical.

Ikalawa, ano ang pinagbabatayan ng antas ng gastos ng mga produktong kemikal na pinoprodyus ng industriya ng petrochemical sa loob ng bansa? Kung ito ay nagmumula sa likas na mataas na produktibidad bunga ng paggamit ng makabagong teknolohiya at mga kagamitan maaaring bumaba ang gastos ng produksyon. Kung ang gastos produksyon sa loob ng bansa ay papantay sa gastos ng mga kemikal galing sa China, South Korea at Taiwan posibleng maging kompetitibo ang industriya ng petrochemical sa ating bansa at maaaring lumawak ang demand nito sa loob at labas ng bansa. Samantala, kung napakamahal naman ng gastos ng produksyon sa Pilipinas mapipilitang humingi ang industriya ng petrochemical sa pamahalaan na patawan ng mataas na taripa sa mga inaangkat na produktong petrochemical na kanilang kakompetensya upang mabawi ng mga negosyante ang malaking puhunan nila sa pagtatayo ng plantang petrochemical sa bansa. Bunga ng mataas na taripa mahihirapang makapasok ang mga produktong inaangkat na kemikal subalit magiging mahal naman ang gastos sa produksyon ng mga industriyang gumagamit ng mga kemikal gawa sa Pilipinas at nanganganib ang kanilang pagiging kompetitibo sa bilihang internasyonal. Sa kasalukuyan ang taripa sa mga inaangkat na kemikal ay 15 porsiyento. Ito ay mababa pa sa mga taripang ipinapataw ng Indonesia, Malaysia at Thailand.

Sa harap ng mga kontribusyon at hamon ng industriya ng petrochemical, dapat timbangin ng pamahalaan ang pangangalaga sa industriya ng petrochemical sa pamamagitan ng pagpapataw ng taripa sa mga kakompetensyang inaangkat dahil ito ay may mga epekto sa ibang industriya, inflation rate at sa pagiging kompetitibo ng mga produktong gawa sa Pilipinas na gumagamit ng mga kemikal gawa sa ating bansa.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -