26 C
Manila
Huwebes, Disyembre 12, 2024

DoLE, tututukan ang transpormatibong trabaho sa ilalim ng ‘Bagong Pilipinas’

- Advertisement -
- Advertisement -

KAISA ng administrasyon ang Department of Labor and Employment (DoLE) sa pagsusulong ng Bagong Pilipinas, isang tatak ng pamamahala na nakatuon sa pagpapatupad ng inklusibong plano nito para sa pagbabagong pang-ekonomiya at panlipunan.

Nakasaad sa Memorandum Circular No. 24 na ang kampanyang Bagong Pilipinas ay “nananawagan sa malalim at mahalagang pagbabago sa lahat ng sektor ng lipunan at pamahalaan, at pinalalakas ang pangako ng Estado tungo sa pagkamit ng komprehensibong reporma sa mga polisiya at sa ganap na pagbangon ng ekonomiya.

Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, ang Philippine Labor and Employment Plan (PLEP) 2023-2028 ang patunay sa pangako ng Kagawaran sa kampanyang ito.


Nakaayon sa Philippine Development Plan 2023-2028 at sa Eight-Point Socioeconomic Agenda ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang PLEP ay isang dokumento na inendorso ng tripartite at inaprubahan ng Pangulo na naglalayong pagbutihin ang produktibo at transpormatibong kapasidad ng ekonomiya at may tiyak na interbensyon para sa pag-unlad ng mga manggagawa.

Ang mga prayoridad, nilalayong resulta at estratehiya ng Kagawaran ay nakatuon sa tatlong pangunahing bahagi ng PLEP:  ang pagtataguyod ng trabaho at pag-unlad ng yamang-tao; ang proteksyon at kapakanan ng mga manggagawa; at mga relasyon sa paggawa.

Bilang karagdagang kontribusyon sa tatak ng pamamahala ng Bagong Pilipinas ay ang mga nagawa ng Kagawaran noong nakaraang taon, partikular sa pagtataguyod ng kapaki-pakinabang na trabaho at pag-unlad ng yamang-tao, pagprotekta at pagsusulong sa karapatan at kapakanan ng mga manggagawa, at pagpapanatili ng maayos na relasyon sa pagitan ng namumuhunan at manggagawa, gayun din ang kapayapaan sa industriya.

Trabaho at pagpapaunlad ng yamang-tao

- Advertisement -

Nitong 2023, natulungan ng DoLE ang humigit-kumulang 181,126 na mga kabataan na mabigyan ng karanasan sa trabaho sa pamamagitan ng Special Program for Employment Students (SPES), Government Internship Program, at JobStart Philippines Program.

Upang matugunan ang hindi pagkakatugma ng mga kasanayan at trabaho, namahagi ang Kagawaran sa 4.9 milyong indibidwal ng mga napapanahon at makabuluhang mga IEC material tungkol sa kondisyon ng merkado sa paggawa sa hinaharap.

Higit pa rito, mahigit 2.4 milyong kwalipikadong aplikante ang nabigyan ng trabaho sa pangangasiwa ng Public Employment Service Offices (PESOs), na nangangahulugan ng 92 porsiyentong placement rate sa mga rehiyon.

Para naman sa pagsasanay at apprenticeship, mahigit 1.6 milyong indibidwal ang na-enrol sa iba’t ibang technical-vocational education at training program, at mahigit 1.3 milyon sa mga ito ang nakatapos sa iba’t-ibang programa.

Samantala, humigit-kumulang 1 milyong manggagawang may kasanayan, ang sumailalim sa pagtatasa, at 952,816 sa kanila ang napagkalooban ng sertipikasyon matapos nilang makamit ang competency standard.

Sa pangangasiwa ng Professional Regulation Commission (PRC), nagsagawa ng 85 licensure examination sa taong 2023 kung saan 301,000 ang nakapasa mula sa 596,999 indibidwal na sumailalim sa pagsusulit.

- Advertisement -

Karapatan at kapakanan ng mga manggagawa

Iniulat ng Kagawaran na noong nakaraang taon, naglabas ang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) ng mga wage order na nagtatakda sa pagtaas sa minimum na sahod sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa 15 rehiyon at mga kasambahay sa 12 rehiyon.

Sa usapin ng labor inspection, humigit-kumulang 36,638 establisimyento ang sumailalim sa inspeksiyon na sumasakop sa mahigit 2.8 milyong manggagawa sa buong bansa.

Nagsagawa rin ang DoLE ng Technical Advisory Visits (TAV) sa humigit-kumulang 132,567 micro establishments, o may mga manggagawa na hindi hihigit sa 10, kung saan ginabayan sila sa pagsunod sa general labor standards at occupational safety and health (OSH) standards.

Sa ilalim ng TAV, binibigyan ang mga micro establishment ng labor education at tinutulungan sila ng mga labor inspector o assistant labor inspector na kumpletuhin ang checklist at tukuyin ang kanilang mga kakulangan sa pagsunod. Mula doon, babalangkas sila ng kanilang mga mungkahing pagwawasto at mga kinakailangang tulong-teknikal.

Sa usapin ng pagtataguyod sa pagsunod sa mga pamantayan ng OSH, sinabi ng Kagawaran na 54,585 manggagawa ang sumailalim sa pagsasanay sa iba’t ibang kurso, tulad ng Basic OSH, Construction Safety Training, at iba pa.

Sa pagsusulong ng labor at enterprise productivity, sinabi ng DoLE na mahigit 19,581 micro, small, and medium enterprises ang nabigyan ng orientation at training services sa productivity kung saan 29,346 employer at manggagawa ang lumahok.

Pinahusay din ng Kagawaran ang tulong nito sa mga mahihinang manggagawa noong nakaraang taon sa pamamagitan ng mga programang pangkabuhayan at emergency employment program.

Humigit-kumulang 3.036 milyong benepisyaryo ang nabigyan ng emergency employment sa pamamagitan ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers Program (Tupad), habang mahigit 153,000 manggagawa naman ang nabigyan ng tulong-pangkabuhayan sa ilalim ng DoLE Integrated Livelihood Program o Kabuhayan Program.

Sinabi ni Kalihim Laguesma na nakatulong sa pinahusay na implementasyon ng programa ang pinasimple at pinabilis na proseso sa pagsumite ng kinakailangang dokumento, inklusibong pagtukoy sa mga benepisaryo at ang pinalawak na package of assistance.

Bilang suporta sa “Kadiwa ng Pangulo,” pinangunahan ng Kagawaran ang “Kadiwa ng Pangulo para sa Manggagawa” noong nakaraang taon upang mailapit ang abot-kaya at de-kalidad na mga produkto sa mga manggagawa.

Sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa, ang aktibidad na pinangunahan ng DOLE ay nakapag-benta ng mahigit P6.4 milyon sa buong bansa.

Maayos na relasyon sa pagitan ng namumuhan

at manggagawa at kapayapaan sa industriya

Alinsunod sa mandato nito na mapanatili ang maayos na ugnayan ng namumuhunan at manggagawa, at kapayapaan sa industriya, nagbigay ang Kagawaran ng Labor Employment and Education Services (LEES) sa humigit-kumulang 735,280 manggagawa, employer, at sa mga magsisipagtapos na mga estudyante.

Samantala, 4,236 na miyembro ng unyon ang nabigyan ng pagsasanay at 166 na miyembro ng unyon, o ang kanilang mga dependent, ang nabigyan ng scholarship grant sa ilalim ng Workers Organization Development Program (WODP).

Sa usapin ng case management, 94,120 sa 105,111 na mga kasong hinahawakan ang naisaayos sa ilalim ng iba’t ibang alternative dispute mechanism ng Kagawaran. Nagresulta ito sa pagkakaloob ng monetary benefits na humigit-kumulang P17.264 bilyon sa 154,041 na mga manggagawa.

Maayos na pamamahala

Binigyang-diin ni Kalihim Laguesma na ang pagpapatupad ng mga programa at serbisyo ng Kagawaran, lalo na ang pangunahing programa nito na Tupad, ay sumusunod sa mga umiiral na alituntunin at mga panuntunan sa pag-audit.

Patunay ng pangako ng DoLE sa maayos at masinop na paggamit ng pondo ng bansa ay ang ‘Unmodified Opinion Audit’ na iginawad sa Kagawaran ng Commission on Audit (CoA) sa apat na magkakasunod na taon.

Sa ilalim ng bagong tatak ng pamamahala ng Bagong Pilipinas, nangangako si Kalihim Laguesma na ang DoLE, kasama ang mga opisyal at kawani nito, ay patuloy na magbibigay sa mga manggagawang Pilipino ng mabilis at tapat na serbisyo-publiko at patuloy na tutulong upang kanilang makamit ang isang “matatag, maginhawa, at panatag na buhay”.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -