IPINAKITA ni Senator Bong Go at ng kanyang mga kapwa senador ang pagsuot ng puting damit at arm band sa sesyon sa Senado nitong Enero 29, Lunes, bilang simbolo ng kanilang pagbubuklod laban sa isinusulong na People’s Initiative upang maamyendahan ang 1987 Philippine Constitution.
Suportado rin ni Senator Kuya Bong Go ang naging privilege speech ni Senate President senador Migz Zubiri tungkol sa mahalagang pagkakaroon ng bicameral legislature para masiguro ang ‘checks and balances’ sa gobyerno. Aniya, hindi dapat mabalewala ang posisyon ng Senado bilang mga mambabatas at lalung-lalo na pagdating sa usapin ng pag-a-amyenda sa Saligang Batas.
Dagdag pa ni Senate President Zubiri, pagwawatak-watakin lang ang bansa ng patuloy na pagsulong sa charter change sa pamamagitan ng isinusulong na People’s Initiative ngayon. Kaya nananawagan siya sa House of Representatives na makiisa sa Senado na panatilihin ang orihinal na intensyon ng Konstitusyon, ang sundin ang mandato na “serving the people, and no one else.”