26.4 C
Manila
Huwebes, Disyembre 5, 2024

Magkano ang ibinabayad ng Pilipinas sa utang ng pamahalaan? 

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG isang linggo napabalitang hindi nababahala si Secretary Ralph Recto, ang bagong talagang Kalihim ng Pananalapi, sa halaga ng kabuoang utang ng pamahalaan na umabot na sa P14.5 trilyon na naitala noong Nobyembre 30, 2023.  Ang mahalaga ayon kay Recto ay ang kakayahang magbayad ng pamahalaan ng utang nito at hindi ang halaga ng utang kahit na ito ay halos 60 porsiyento ng Pambansang Produksyon ng ating ekonomiya. Ang kakayahang magbayad ng pamahalaan ay nakabatay sa bisa nitong mangolekta ng buwis na nakaugnay sa sigla ng ekonomiya. 

Samantala, ayon naman kay Benjamin Diokno, ang dating Kalihim ng Pananalapi ang debt burden sa 2024 budget ng pamahalaan ay aabot lamang ng P699.2 bilyon o halos 12.1 porsiyento ng inaprobahang budget na P5.77 trilyon. Ang debt burden ay binubuo ng bayad sa interes at netong pagpapautang o net lending.  Idinagdag pa ni Diokno noong 2023 ang debt burden ng pamahalaan ay P 611 bilyon o 11.6 porsiyento lamang ng P5.27 trilyon budget. Ito ay mababa sa napabalitang debt burden na umabot sa P1.6 trilyon o 29.8  porsiyento ng 2023 budget dahil isinama rito ang pagbabayad ng bahagi ng prinsipal ng utang. Ang pambayad sa bahagi ng prinsipal ng utang ay hindi nanggagaling sa kasalukuyang budget ng pamahalaan ngunit sa mga naunang budget kung kailan ang utang ay hiniram kayat lumiliit lamang ang debt burden o bigat ng utang ng pamahalaan ayon kay Diokno.

Ngunit ayon sa ulat ng Bureau of Treasury ng Kagawaran ng Pananalapi ang pamahalaan ay nagplanong magbayad ng P1.55 trilyon sa pagkakautang ng pamahalaan sa taong 2023. Nagpapahiwatig ba na nagsisinungaling ang dating Kalihim na Pananalapi na nagsabing ang debt burden ng pamahalaan ay P 611 bilyon lamang noong 2023 na binubuo ng P 582.3 bilyon sa pagbabayad ng interes at P 28.7 bilyon sa netong pagpapautang? Tama ang pahayag ni Diokno at ipinaliwanag niya ito sa pananaw ng prinsipyo ng accounting. Ang pagbabayad lamang ng interes at netong pagpapautang ang isinasama sa bigat ng utang dahil ang amortisasyon ng prinsipal sa mga naunang utang ng pamahalaan ay nakasaad na sa iba’t ibang guguling pinondohan ng pangungutang sa mga nakaraang taon. Samakatuwid, ang P 611 bilyon ay maituturing dagdag na utang. Kung isasama pa ang prinsipal sa debt burden sa budget ngayong taon magkakaroon ng doblehang pag-uulat ng utang ng pamahalaan.

Ang ibig bang sabihin nito ay naglaan ng reserba ang Bureau of Treasury para sa panapanahong pagbabayad ng utang kasama ang interes at bahagi ng prinsipal ng utang? Sa aking palagay hindi naman nakalagak ang buong P14.5 trilyon sa kaban ng Bureau of Treasury dahil kung mayroong ganitong  kalaking halaga ang pamahalaan bakit pa ito nangutang sa nakalipas? Dahil ang Bureau of Treasury ay namamahala ng paglikom, paglagak at paggamit ng pondo ng pamahalaan, may plano ito sa loob ng maikling panahon, halimbawa limang taon, kung papaano babayaran ang utang ng pamahalaan kasama ang interes at bahagi ng prinsipal. Maaari itong bayaran sa labis na koleksyon ng pamahalaan sa mga buwis, iba pang kita ng pamahalaan at mula sa pondong nakalaan sa pagbabayad ng utang.

Makikita na ang binayad ng Bureau of Treasury na P1.55 trilyon noong 2023 ay mahigit sa 10 porsiyento sa kabuuang utang ng pamahalaan. Sa ganitong direksyon, nagpapahiwatig itong mababayaran ng Pilipinas ang utang nitong P 14.5 trilyon sa loob lamang ng 10 taon. Ngunit, bakit palaki nang palaki ang kabuuang utang ng pamahalaan? Isa sa mga dahilan ay pagpopondo ng maraming proyektong ekonomiko at panlipunan sa pamamagitan ng pangungutang. Noong panahon ng pandemya, malaki ang naidagdag sa utang ng pamahalaan dahil hindi nakaprograma o nasa plano ng pamahalaan ang pagbili ng mga bakuna at ipa pang gamot at ang pagbibigay ng subsidy sa mga mamamayan at kompanyang masamang naapektuhan ng pandemya ay inutang. Ang ikalawang dahilan ay hindi pagbabayad ng pamahalaan sa interes kaya’t ito ay nakadaragdag sa ating kabuuang utang. Ikatlo, ang pagkukulang ng pondo sa nakaprogramang bayarin sa utang ng pamahalaan kasama ang pambayad sa bahagi ng prinsipal. Ang pinakamadaling ginagawa ng mga Treasury sa mga ibang bansa ay pagbebenta ng Treasury bonds upang makalikom ng pondong tutustos sa pagbabayad ng prinsipal at interes. Ang pagbebenta ng Treasury bonds ay nakaradagdag sa utang ng pamahalaan. Ito rin ang dahilan kung bakit lumolobo ang utang ng pamahalaan hindi lamang ng Pilipinas ngunit maging ang Estados Unidos.


Kung ang pamahalaan ay mangungutang upang gamiting pambayad sa mga nakaraang utang, makasasama ito sa ekonomiya at sa mga maralitang mamamayan dahil sila ang papasan ng mga sakripisyo ng pangungutang na nararanasan nila sa pagliit ng paglalaan ng pamahalaan sa mga serbisyong pangkalusugan, edukasyon at panlipunan at iba pang mahahalagang gugulin.

Hindi nababahala si Secretary Ralph Recto dahil ang tinitingnan lamang niya ay ang P 699.2 bilyon na debt burden ng pamahalaan ngunit hindi niya tinitingnan ang kabuuang inilalabas na pondo ng Bureau of Treasury na halos P 1.5 trilyon sa isang taon. Kung ang halagang ito ay pinaglaanan ng Bureau of Treasury sa nakalipas magaan lamang ang problema. Kung hindi, mapipilitang mangutang uli ang pamahalaan upang mabayaran ang utang. Dapat mabalahala si Secretary Recto dahil maraming mamamayan ang magsasakripisyo sa paglobo ng utang ng pamahalaan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -