30.4 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 4, 2024

Amendment ni Cayetano sa Senate bill, tinanggap ni Sen Bato dela Rosa

- Advertisement -
- Advertisement -

MAS mapapalakas pa ang kakayahan ng Philippine National Police (PNP) na masusing imbestigahan ang mga krimen sa bansa.

Ito ay matapos tanggapin ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, Senate Committee Chair on Public Order and Dangerous Drugs, and iminungkahing amendment ni Senator Alan Peter Cayetano sa Senate Bill No. 2449 upang magdagdag ng tauhan sa Regional Forensic Unit-National Capital Region (NCR).

Batay sa aprubadong organizational structure at staffing pattern ng RFU-NCR Headquarters, mayroon lamang 20 tauhan ang kasalukuyang nakatalaga.

Ang amendment ni Cayetano sa SB 2449, na kamakailan lang ay pumasa sa second reading, ay naglalayong palawigin ang mga reporma sa organisasyon ng PNP at matiyak na sapat ang bilang ng tauhan sa forensic group upang mas magampanan ang mga tungkulin at gawain sa pagsusuri ng pisikal na ebidensya sa mga krimen.

Sa pangunguna ng isang Police Major General, ang forensic group ay magsasagawa ng pagsusuri at pag-analisa sa mga pisikal na ebidensya, na nakatuon sa medikal, kemikal, biyolohikal, at pisikal na aspeto ng mga kaso.

Magbibigay ng suporta sa modernisasyon ng crime laboratories ang mga dagdag na tauhan dahil mas mapapabilis na ang imbestigasyon ng krimen sa bansa.

Ipinapakita ng amendment ang dedikasyon ni Cayetano na pasulungin ang larangan ng agham at suportahan ang forensic unit sa bansa sa pamamagitan ng pagtitiyak na may sapat na tauhan para mas maayos na maisagawa ang imbestigasyon ng krimen.

Aprubado rin ang isang amendment sa bill na nagbabago ng compulsory retirement age para sa mga uniformed personnel sa PNP mula 57 patungo sa 56 taon.

Ang pagbabagong ito ay nagbibigay ng opsyon sa mga indibidwal sa PNP na nasa edad 56 na magretiro ng mas maaga at umalis sa serbisyo sa mas batang edad.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -