UNCLE, may magandang balita ako sa yo.
Ano yun, Juan? Pansin ko nga, parang masaya ka.
Napromote ako, Uncle, at siyempre tinaasan ang suweldo ko.
Mabuti naman. O ayan, dapat mas marami ka ng ipon. Baka naman mag sige-sige ka sa gastos.
Naku, Uncle, gusto ko sanang mag-enrol sa gym. Parang kaya ko namang magbayad ng monthly sa gym para mas sosyal naman ang dating ko.
Ano kamo? Mas sosyal? Bakit di pa ba ok yung pagbibisikleta mo? Magandang exercise naman yun di ba?
Naku, eto na nga ba ang sinasabi ko. Pag tumaas ang kita, malaki ang posibilidad na baguhin kaagad ang klase ng pamumuhay o lifestyle na tinatawag at imbes na ipon ang maisip, gastos kaagad ang ipa-plano.
Ang tawag dito ay “lifestyle inflation” kung saan ang pagbabago o pagtaas sa kita o income ay tatapatan kaagad ng pagbabago o pag-angat sa lifestyle.
Ang dating pasehero ng bus at MRT, ngayon nakakotse na at nagbabayad ng monthly amortization.
Ang dating sa Landmark o SM lang namimili ngayon sa Greenbelt na para sa mga luxury brands na bag at sapatos.
Ang dating KFC at Jollibee lang ang paboritong kainan, ngayon sa mga de-klase ng mga restaurant.
Ang dating nagpapalibre lang sa kaibigan, ngayon siya na ang taya.
Ang lifestyle inflation ay kalaban talaga ng budget at ipon. Pag di mo sya napigilan, maaring dumating ang panahon na ikaw ay mababaon sa utang at baka matanda ka na’y hindi mo pa kayang mag-retire.
Walang masama sa kagustuhan nating mag-enjoy sa buhay. Kaya lang, alam natin na pag sumobra, hindi rin makatuwiran kung sasayangin natin ang oportunidad na makaipon sa suwerteng dumapo sa atin, Minsan may dadating na situwasyon na di natin inaasahan tulad ng Covid-19 pandemic. Maraming taong nawalan ng hanapbuhay lalo na sa service industry kung saan nagsarado ang mga restaurant, hotel, resorts, spa, coffee shops, retail stores at iba.
Maraming nagbago sa pinansyal na pag-uugali ng mga Pilipino dahil sa pandemya lalo nung kasagsagan nito nung 2020. Dahil marami ang natigil sa bahay, yung iba’y nag-work-from-home at yung iba nama’y nawalan naman ng trabaho, bumagsak ang pag-gastos sa transportation, pagkain sa labas at sa mga gimik at pagsa-shopping habang pinapalawig pa ang mga digital na shopping platforms tulad ng Lazada at Shopee at nagsasanay pa ang mga mamimili sa pagbili mula dito.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP, bumagsak ang personal na konsumo ng households ng 8 porsiyento nung 2020 mula sa 5.9 porsiyentong pagtaas nung 2019.
Ang porsiyento naman ng households na may ipon ay bumagsak din sa 25 porsiyento nung huling quarter ng 2020 mula sa 36 porsiyento nung huling quarter ng 2019.
Ganun din ang unemployment rate o kawalan ng trabaho ng maraming Pilipino. Nung 2020, umakyat ito ng 10.3 porsiyento mula 5.1 porsiyento nung 2019.
Ngayon na medyo humupa na ang tindi ng pandemya, sinasabing ang mga Pilipino daw ay nagre-revenge spending. Ang ibig sabihin nito ay parang nagrerebelde sa paggastos pagkatapos ng Ilang taon na pagkalugmok sa loob ng bahay. Totoo ba?
Pero ang takbo ng presyo ng bilihin o inflation rate ay tumaas na ng 6 porsiyento nung 2023 mula 2.4 porsiyento nung 2019, isang dahilan para maghinay-hinay sa paggastos. Ar kung titingnan din natin ang huling Consumer Confidence survey ng BSP para sa huling quarter ng 2023, negatibo pa rin ang sentemiyento ng mga tao tungkol sa ekonomiya at paggastos.
Kaya hindi pa rin bumabalik sa normal na paggastos ang Pinoy para masabi nating tapos na nga ang sakit na dinulot ng pandemya sa ating pinansyal na buhay. Iilan lamang ang masuwerteng may nahuhugot sa kaban ng ipon at investment. Sila ang may poder para mag-revenge spending. Pero kailangang bumalik pa rin ang maraming trabaho na nawala para matulungan ang pagbabalik-buhay ng ekonomiya.
Sa mga mapapalad na nagre-revenge spending, konting preno din at baka naman puwedeng “in moderation” lang tayo sa paggastos. Ang pera napakadaling ubusin. Mahirap ibalik ang panahong puwedeng panghinayangan mo na sana’y hindi ka na nag-lifestyle inflation at nag-lifestyle reflection ka na lang para mabilis mong maabot ang financial goals mo.
Sige, mag reflect tayo sa mga puedeng pagbabago ng lifestyle para makaipon ka ng mabilis. Ang tawag ko dito ay KONTROL:
K-apit ka sa cash-only na pagbili. Hindi mo napapansin na mas pumapatol ka sa mga budol ng magaganda’t mamahaling bagay kung nagswiswipe ka ng credit card o yung mga may one year to pay or buy now, pay later na promo. Kung hindi kaya ng cash mo, huwag magpabitag sa budol. In cash, you trust.
O-ver ka na sa status. Magastos talaga pag may goal ka na magyabang, makipantay o magpa-impress kahit wala ka naman talagang budget para dito. Iwasan mo ang peer pressure. Huwag magpa-impluwensya sa lifestyle ng iba. Huwag magpanggap para lang maging “in”.
N-o to Starbucks ka muna. Parang kaya naman. Hindi naman ikakahirap kung one or two cups lang. Huwag mo lang ikalkula ang buwanang gastos mo sa Starbucks. Baka puwede mo ng i-downpayment sa maliit na negosyo na puede ka pang kumita.
T-rack your spending. Hindi maşama o nakakahiyang ilişta ang mga ginagastos. Mas madali mong makita kung pasok ka pa sa budget mo o lampas na para mai-adjust ang gastusin mo.
R-epeat: want or need? Pag may nakita na isang bagay na nagpatibok ng bulsa mo, tanungin mo ng paulit-ulit ang sarili mo kung gusto mo lang ba o talagang kailangan mo. Pag gusto mo lang, puwedeng ipagpaliban pag meron ka ng budget para dito.
O-ut muna ang instant gratification. Huwag magpadalos-dalos. Pag may gusto magpalipas muna ng oras o araw. Sigurado ako, hindi mo na sya babalikan kasi nalimutan mo na sya. Time makes the heart grow less fonder.
L-ove what you have. Maging kontento ka sa anong meron ka. May tamang panahon para sa mga bagay-bagay. Şaka mahirap din ang maraming gamit o maraming gustong gawin. One step at a time ika nga. Kung kaya na, yun ang tamang oras.
O Juan, kontrolin mo sarili mo. Minsan lang dumating yang suwerte mo. Alagaan mong mabuti.