SA kasalukuyan, ang pangunahing pinagkakaabalahan ng mga pinuno ng pamahalaan ay kung papaano mapabilis ang paglaki ng ating ekonomiya. Nariyan ang pagpapalawak ng infrastruktura, pagpapabilis ng pangangapital, pag-anyaya sa mga dayuhang kapital, pagpapalawak sa akses sa edukasyon, pagpapahusay ng pagsasanay na nagbibigay ng mataas na produktibidad sa mga manggagawa. Ayon sa huling datos ang per capita national income ay umabot na sa $4,470 noong 2025 at nananatili pa rin ang Pilipinas sa mababang antas ng middle income na ekonomiya. Nagkulang lamang ang Pilipinas ng $46 per capita income upang maabot ang antas na $4,516 upang umangat ang bansa sa mataas na antas ng middle income na ekonomiya.
Ngunit ang paglaki ng ekonomiya ay isang mukha lamang ng pag-unlad ng isang ekonomiya. Ang kabilang mukha ay kung papaano ang pambansang kitang nilikha ay ipinamamahagi sa mga mamamayan nito. Ninanais ng mga pinuno ng mga bansa na maging inklusibo ang kanilang lipunan kaya’t hangad ng pamahalaan na ang mga biyaya ng mabilis na pagsulong ng ekonomiya ng Pilipinas ay matamasa ng nakararaming mamamayan na mag-aangat sa kanilang buhay at itataas ang antas ng kanilang kagalingan.
Samakatuwid, ang distribusyon ang layunin ng produksyon. Ang kitang nilikha sa proseso ng produksyon ay dapat ipamahagi sa mga mamamayan upang magamit nila sa pagkonsumo ng mga produkto at serbisyo, ang mga biyayang ibinubunga ng mga yaman ng isang ekonomiya.
May dalawang pamamaraan ng pamamahagi ng kita, ang functional distribusyon at ang personal distribusyon ng kita.
Sa functional distribusyon, ipinamamahagi ng kitang nilikha batay sa pakikibahagi ng mga mamamayan sa pagmamay-ari nila ng mga yamang ginamit bilang produktibong sangkap sa proseso ng produksyon. Ang mga manggagawa ay tumatanggap ng sweldo pagtatrabaho, ang mga kapitalista ay may balik na interest at tubo sa paggamit ng kanilang puhunan, ang mga may-ari ng lupa ay nabibiyayan ng renta at ang pamahalaan ay nakakakolekta ng buwis.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang ambag ng mga kapitalista at may-ari ng lupa sa pambansang kita ay nakapaloob sa Gross Operating Surplus na nag-ambag ng P15.07 trilyon noong 2025 na kumakatawan sa 47.6% ng pambansang kita. Samantala, ang mga manggagawa ay nakapag-ambag ng P12.82 trilyon o 40.4% ng pambansang kita. Ang buwis na nakolekta ng pamahalaan matapos ibawas ang mga subsidy sa produksiyon at pag-aangkat ay umabot sa P2.16 trilyon o 12% ng pambansang kita.
Dahil hindi lubhang nagkakalayo ang ambag ng mga may-ari ng kapital at lupa sa ambag ng manggagawa, ang functional distribusyon ng kita ay hindi nagpapakita ng lantarang di pantay na pamamahagi ng kita na nakukuha ng mga mamamayan mula sa pambansang kita. Ito ay nangyayari dahil isinasama lamang sa functional distribusyon ang kita ng mga mamamayang nagmamay-ari ng mga produktibong sangkap na tumanggap ng kita. Kaya’t ang pagkakaiba ng tinanggap na kita ay bunga ng dami ng mga sangkap at produktibidad ng mga sangkap na pagmamay-ari ng mga mamamayan.
Samantala, ang personal distribusyon ng kita ay nakabatay sa kita ng mga mamamayan kasama man sila o hindi sa proseso ng produksiyon. Nakabatay ito sa kabuoang kita ng isang grupo ng mamamayan ayon sa bahagi nila sa populasyon. Halimbawa, ang pinakamahirap na 20% ng populasyon ay humahawak lamang ng 4.5% ng pambansang kita at ang pinakamahirap ng 50% ng populasyon ay humahawak lamang ng 14% ng pambansang kita. Ito ay nagpapahiwatig na di pantay ang distribusyon ng kita dahil ang proporsyon na hawak nilang kita ay mababa sa proporsyon o bahagi nila sa kabuoang populasyon. Mas pantay ang distribusyon ng kita kung ang proporsyon ng pambansang kita ng isang grupo ay halos pantay sa proporsyon ng grupo sa kabuoang populasyon. Ang lantarang di pagpapantay ng distribusyon ng kita ay bunga ng pagsasama sa mga mamamayan na hindi kasama sa proseso ng produksyon tulad ng mga matatanda, walang trabaho at walang yamang ginagamit sa proseso ng produksiyon.
Dahil sa agwat na ito ang personal distribusyon ng kita ay nauuwi sa pagsukat ng koepisyenteng Gini na palatandaan ng di pantay na distribusyon ng kita. Lubos na pantay ang distribusyon kung ang koepisyenteng Gini ay 0 dahil walang agwat o pagitan ang proporsyon ng kita ng mga grupo ng mamamayan sa proporsyon ng mga grupo ng mamamayan sa populasyon. Ang ganap na di pantay ay kapag ang Gini ay 100. Ayon sa huling ulat, ang koepisyenteng Gini ng Pilipinas ay bumaba sa 39.3 na naghahayag ng pagiging mapagpantay ng distribusyong ng kita sa kasalukuyan dahil matagal nang panahonng nakapako sa antas na 40 ang koepisyenteng Gini ng Pilipinas.
Magandang balitang papalapit nang matamo ng Pilipinas ang mataas na antas ng kita bawat tao sa middle income na ekonomiya at unti unti nang nagiging pantay ang distribuyson ng kita. Nagpapahiwatig na habang tumataas ang kita bawat tao sa bansa mas maraming mamamayan ang nakikinang sa biyaya ng paglaking ekonomiko.

