30.1 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 4, 2024

Senior Citizens, prayoridad ng ‘Bagong Pilipinas’

- Advertisement -
- Advertisement -

PRAYORIDAD ng ‘Bagong Pilipinas’ang mga senior citizen, ito ang pahayag ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rexlon Gatchalian.

“In ‘Bagong Pilipinas,’ you can rest assured that our senior citizens are our priority. You will never be left behind,” ani Gatchalian sa isang programa ng DSWD kung saan namahagi sila ni Unang Ginang Marie Louise “Liza” Araneta-Marcos ng mas mataas na pensyon para sa ilang mahihirap na senior citizen ng Quezon City bilang parte ng pagdiriwang ng ika-73 anibersaryo ng kagawaran.

Natanggap ng mga benepisyaryo ang halagang P6,000, kalahati ng kabuuang P12,000 na pension para sa buong taon ng 2024.

Nadoble ang halaga ng pension ng mga senior citizen matapos maisabatas ang Republic Act 11916, na kilala bilang “Act Increasing the Social Pension of Indigent Senior Citizens,” na naisabatas noong Hulyo 2022.

Mula sa halagang P500 na monthly pension ito ay naging P1,000 bilang tulong sa mga nakatatanda na humaharap rin sa pagtaas ng halaga ng mga bilihin.

Nangako si Gatchalian na simula pa lamang ito ng mga programa ng Pangulo at ng Unang Ginang bilang pagpapakita ng kanilang pagmamahal sa mga nakatatanda.

May kabuuang 4,085,066 mahihirap na senior citizens ang nasa ilalim ng social pension na ito ng DSWD.

Senior Citizen’s Purchase Slip Booklet, ipinababasura

Samantala, sinuportahan ng kagawaran ang panukala sa Kongreso na ibasura na ang Senior Citizen’s Purchase Slip Booklet.

Sa ulat ng The Manila Times, sinabi ni DSWD spokesman Romel Lopez na maraming natanggap na reklamo ang kagawaran sa mga nakalipas na taon kaugnay ng booklet na ito.

Aniya may 24 na reklamo ang natanggap ng kagawaran na may kinalaman sa purchase booklet noong taong 2022 at 2023.

Binabalak na nina ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo, dating DSWD Secretary at Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo na tanggalin na ang purchase booklet base sa resulta ng kanilang imbestigasyon sa Kongreso kamakailan.

Ayon kay Gatchalian, makikipag-ugnayan ang kagawaran sa Department of Health (DoH) at iba pang kaukulang mga ahensya  upang simulan na ang pagbabasura sa booklet.

Inirekomenda naman ng Program Management Bureau (PMB) na palitan ang mga booklet ng digital purchase records para sa  mga senior citizen na madalas nakakalimot na dalhin ang kanilang purchase booklet.

“With the fast-paced technology and innovations, it is recommended to adopt an established system for monitoring, storing, and reporting data towards an efficient, consistent, and uniform implementation of the law and provisions for the availment of medicines, basic necessities, and prime commodities, among others,” ayon sa position paper ng PMB.

Aprubado na rin ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na nagpalawig sa coverage ng Centenarians Act of 2016.

Sa pinag-isang House Bill No. 7538 at Senate Bill No. 2038, makakakuha ng karagdagang benepisyo ang mga mamamayang edad 80, 85, 90 at 95.

Sa ilalim ng kasalukuyang batas, tanging mga mamamayan lamang na umabot sa edad na 100 ang makakakuha ng cash gift mula sa pamahalaan.

Sa pinalawig na batas, makakakuha na ang isang senior citizen ng P10,000 cash gift isang taon matapos ang kaniyang ika-80, 85,90 o 95 taon.

Pagdating nya ng 100 taon, makakakuha ang isang senior citizen ng P100,000.

 

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -