NAKAHANDA ang Department of Labor and Employment (DoLE) na magbigay ng tulong-pinansyal para suportahan ang mga negosyo sa pagtataas ng kasanayan ng mga manggagawa at pagpapahusay ng kanilang pangkalahatang kapasidad.
Inilabas ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma ang Department Order No. 241, Series of 2024, o ang Implementing Guidelines of the DoLE Adjustment Measures Program (DoLE-AMP) for Workers and Enterprises noong ika-1 ng Pebrero.
“Layunin ng DoLE -AMP na bawasan ang kahinaan o palakasin ang kakayahan ng mga manggagawa at negosyo dulot ng mga pagbabago sa ekonomiya, at sa gayon ay mapahusay ang kanilang kapasidad para sa pangangalaga at paglikha ng trabaho, palakasin ang yamang-tao at patatagin ang negosyo, itaas ang antas ng produktibidad at pagiging mapag kompetensiya, at aktibong pag-aambag sa pagtataguyod ng disente at napapanatiling mga oportunidad sa trabaho,” nakasaad sa Department Order.
Sa ilalim ng DoLE -AMP, ang isang proponent, gaya ng employer, enterprise, business organization, lehitimong labor organization, o accredited co-partner, ay maaaring magsimula ng isang proyekto na binubuo ng anuman o kumbinasyon ng mga sumusunod na bahagi: capacity-building measures, business enhancement and adaptation measures, just transition measures, product development and innovation measures, at reward systems and productivity improvement measures.
Ang aplikasyon ay dapat may lagda ng awtorisadong kinatawan ng proponent at ipapadala sa DoLE Regional Office kung saan ipapatupad ang proyekto.
Kung ang panukalang proyekto ay binubuo ng ilang bahagi na ipapatupad sa iba’t ibang rehiyon, ang aplikasyon ay dapat ihain sa DoLE Regional Office kung saan ang inisyal o pangunahing bahagi ng proyekto ay ipapatupad at sa DoLE Central Office, sa pamamagitan ng Bureau of Local Employment. Dapat ding bigyan ng kopya ang regional office ng DoLE kung saan ipatutupad ang mga bahagi ng proyekto.
Dapat magbuo ng Memorandum of Agreement (MoA) ang DoLE Regional Director at ang awtorisadong kinatawan ng proponent o accredited co-partner para sa pagpapatupad ng naaprubahang proyekto. Kung ang proyekto ay ipapatupad sa ilang rehiyon o ng ilang tagapagtaguyod, dapat kasama ang mga kinauukulang DoLE Regional Director at mga awtorisadong kinatawan ng mga proponent o accredited na mga co-partner sa paglagda sa MoA.
Kung sakaling ang proyekto ay nahahati sa dalawa o higit pang mga bahagi, dapat munang magsumite ang proponent ng progress at liquidation report batay sa kanilang work and financial plan at sertipikasyon na ito ay naipatutupad ayon sa iskedyul bago ang implementasyon ng mga susunod na bahagi.
Bilang tagapangasiwa ng DoLE-AMP, tungkulin ng mga DoLE Regional Office na tiyakin na ang mga proyekto ay naipapatupad ayon sa naaprubahang proyekto.
Magiging epektibo ang alituntunin pagkatapos ng 15 araw mula sa pagkakalathala nito sa isang pahayagan na may pangkalahatang sirkulasyon.