IBINIDA ni Senator Loren Legarda ang ‘KatHABI – A Textile Innovation Exhibit’ sa Senado kahapon. Pebrero 6 bahagi ng pagdiriwang ng National Arts Month.
Aniya, “Sa ating pagsuporta sa pag-unlad ng mga tela sa Pilipinas, ipinagmamalaki ko ang pagbubukas ng ‘KatHABI – A Textile Innovation Exhibit’ sa Senado ngayong araw. Ang pagtutulungang ito ng aking Opisina at ng Department of Science and Technology – Philippine Textile Research Institute (DoST-PTRI) ay nagpapakita sa serye ng inobasyon kung saan ang aming layunin sa sustainability ay makikita sa iba’t ibang kagamitan sa natural textile fibers.
Kabilang sa naka-display ang mga tela, kasuotan, at interior products na gawa sa abaka, kawayan, saging, at pinya. Ang eksibisyon ay nagpapakita rin ng mga hakbang sa sektor ng handloom weaving at paggamit ng natural dye, na bumubuo sa kuwento ng tradisyon at modernong kahusayan.
Dagdag pa niya, “Sa pagdiriwang ng National Arts Month, nagtalumpati ako tungkol sa ating mayamang pamanang kultura at ang malalim na epekto ng sining sa paghubog ng ating bansa. Mula sa teatro hanggang sa panitikan, sa sayaw hanggang sa sining-biswal, ang buwang ito ay nagsisilbing isang makulay na canvas kung saan umuunlad ang pagkamalikhain. Sa temang “Ani ng Sining,” nalalaman natin ang malalim na koneksyon sa pagitan ng sining, kultura, at kalikasan, at ikinararangal kong masaksihan ang malaking epekto nito sa paghubog ng ating pagkatao.
“Sama-sama nating suportahan ang ating mga manlilikha, ang sustainable fashion, at iangat ang ating mga magsasaka para sa isang malikhain at masiglang Pilipinas para sa mga susunod na henerasyon. Mula sa Facebook page ni Senator Loren Legarda