SINABI ni Senador Win Gatchalian na anumang hakbang para gawing liberal ang sektor ng edukasyon ay dapat magbigay ng mga oportunidad tulad halimbawa sa larangan ng pananaliksik at pag-unlad o research and development (R&D).
Binigyang-diin ng senador ang pangangailangang suriin ang maaaring kahinatnan at mga benepisyo sakaling pahintulutan natin ang ganap na pagmamay-ari ng mga dayuhan pagdating sa sektor ng edukasyon sa bansa. Ang nasabing pagsusuri ay dapat sumentro sa kung paano mapapabuti ang kalidad ng edukasyon at ekonomiya ng bansa kung bubuksan natin sa mga dayuhang mamumuhunan ang sektor ng edukasyon, lalo na sa R&D.
“Ang lehislatura ay tumitingin sa edukasyon bilang isang paraan upang pasiglahin ang ekonomiya. Makakaakit nga ba talaga tayo ng foreign direct investments sa sektor ng edukasyon kung papayagan natin ang ganap na pagmamay-ari ng mga dayuhan?” Ito ang tanong ni Gatchalian sa mga education stakeholder sa nakaraang pagdinig ng Senado sa Resolution of Both Houses No. 6, na nagmumungkahi ng mga pagbabago sa ilang mga probisyon sa ekonomiya ng 1987 Constitution. Nakatuon ang pagdinig sa Section 4, Article XIV ng Saligang Batas.
Ayon kay Dr. Maria Cynthia Rose Bautista, dating Bise Presidente ng Academic Affairs ng University of the Philippines, mukhang mahihirapan ang bansa na makaakit ng mga dayuhang mamumuhunan sa higher education institutions dahil sa maraming dahilan. Ipinunto niya na kakaunti lang sa populasyon ng bansa ang kayang makapagbayad ng matrikula sa mga mamahaling eskwelahan.
Sa kaso ng maritime education, inihalimbawa ni Dr. Bautista na ang mga Europeans ay malabong pumasok sa Pilipinas dahil sa kahinaan nito. Sa halip, pipiliin daw nilang mag-adopt ng ilang mga eskwelahan o unibersidad para i-accredit na lang mga ito. Binigyang-diin niya na anumang hakbang upang buksan ang sektor sa mga dayuhang mamumuhunan ay dapat na targeted at hindi dapat ganap na liberalized.
Ngunit ang policy analyst na si Dr. Emmanuel Santos ay nanindigan na ang pagbubukas ng sektor ng edukasyon ay maaaring makaakit ng mga pamumuhunan mula sa mga dayuhang institusyon ng pag-aaral. Binanggit niya ang kaso ng Vietnam, na nakakuha mula sa Royal Melbourne Institute of Technology ng AUD 250 milyon na strategic investment funds sa edukasyon, pananaliksik, pakikipagsosyo, at imprastraktura ng paaralan.
Gayunpaman, nais ni Gatchalian na suriin ang potensyal na halaga ng dayuhang pamumuhunan sakaling magdesisyon ang bansa na lubusan nang buksan ang sektor ng edukasyon.
“Naiintindihan ko na may malaking potensyal para sa mamumuhunan na pumasok kung bubuksan natin nang lubusan ang bansa para sa kanila at kalaunan ay mapapalawak ang iba pang aspeto ng sektor ng edukasyon tulad ng pananaliksik,” dagdag niya.