25.8 C
Manila
Martes, Disyembre 3, 2024

Dapat paunlarin ang ugnayang mamamayan-sa-mamamayan ng China at Pilipinas

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

PANGKASAYSAYANG leksyon na ang Estados Unidos ay nangangailangan muna ng malawak na pagsang-ayon ng mamamayan bago pumasok sa digmaan.

Kinailangang pasabugin ang USS Maine at sa gayon papag-alabin sa galit ang sambayanang Amerikano upang sila na mismo ang humingi ng digmaan.

“Remember the Maine! To hell with Spain!”

Sa sigaw na iyun na dumagundong sa lahat ng sulok ng Amerika sumiklab ang Digmaang Amerikano-Espanyol ng 1898. Ang Gulf of Tonkin incident ng 1964, bagama’t hindi totoo, ay kailangang imbentuhin ng mga heneral na pandigma ng Amerika upang makuha ang pagsuporta ng sambayanang Amerikano sa paglahok ng Amerika sa Vietnam War. At ang 9/11 New York Twin Tower Crash ng 2001 na ikinasawi ng mahigit 3000 Amerikano ay kinailangan upang pangatwiranan ang pagsalakay ng Estados Unidos sa Iraq.

Sa lumalaking tensyon ngayon sa South China Sea, hindi maaaring hindi muling umaandar ang utak ng Amerika sa pagbuo ng pakana upang isulong ang adyenda nitong digmain ang China. At sa layuning ito, lumilitaw na napakalaking ganansya nga para sa Amerika ng Digmaang Estados Unidos-Espanya ng 1898. Sa bisa ng Treaty of Paris ng 1898, ang tratado para sa pagwawakas ng digmaan,  naipagbili ang Pilipinas sa Amerika sa halagang $20 milyon. Kaya sa loob ng kalahating siglo ng humaliling kolonisasyon ng Amerika, ang masang Pilipino ay sumailalim sa matinding agresyong kultural upang sila ay maging mga Amerikano na rin sa puso’t diwa, bagama’t ayon sa likhang awit ni Herbert Bartolome, ang ilong ay nananatiling pango.


Pinupunto ng daloy ng usapang ito ang pagbubunyag ni Herman Tiu Laurel, presidente ng think tank na Asian Century Philippines Strategic Studies, sa isang tinatawag na Project Myuoshu na naglalayong palakihin ang tensyon sa South China Sea tungo sa pagsiklab ng digmaang Chino-Pilipino.

Matatandaan na ang kasalukuyang pag-init ng isyu sa South China Sea ay nagsimula sa, ayon sa isang balita ng Philippine Star, panghaharang na nauwi sa panunugis ng China Coast Guard (CCG) sa mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagsasagawa ng resupply mission sa BRP Sierra Madre na nakabahura sa Ayungin Shoal. Iyun din ang panahon na uminit ang balita sa laser beaming ng CCG sa PCG. Tinawag ni US State Secretary Antony Blinken ang pangyayari na aktong pandigma na aniya’y humihingi na ng pagpapatupad ng Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas. Ayon sa kasunduan, ang anomang pag-atake sa alinman sa Pilipinas o Amerika sa rehiyong Pasipiko ay ituturing na pag-atake rin sa isa pa, na obligadong gumawa ng kontra-salakay. Ibig sabihin, kailangang digmain ng China ang Pilipinas upang magkaroon ng katwiran ang Estados Unidos na sumalakay din sa China bilang pag-alinsunod sa MDT. At ayon sa mga pagsisiwalat ni Herman Tiu Laurel, ito ang layunin na ibig makamit ng Project Myuoshu. Ang proyekto ay pinamumunuan ng isang Raymond Powell ng Gordian Knot Center for Security Innovation. Ang napabalitang panghaharang na nauwi sa panunugis ng CCG sa mga barko ng PCG ay hindi aktwal na pangyayari kundi mga kathang isip na inilathala ni Powell sa kanyang Twitter account. Pinickup ng Star ang Twitter post at pinagmukhang lehitimong balita.

Sa anu’t-anuman, isa lamang na paglalarawan ito kung gaano kadali mapaniwala ang utak Pinoy sa mga hinabing alamat ng utak Kano. Sa ngayon, ang pagkondisyon sa utak Pinoy para tanggapin ang pakikipagdigma sa China ay prayoridad ng militaring Kano. Si Powell ay isang dating opisyal ng US Air Force at ang pamumuno niya sa Project Myuoshu ay nagkakanulo ng kanyang malalim na interes na patindihin ang hidwaang Estados Unidos-China sa South China Sea.

Aayaw ang China sa adyendang giyera. Bakit niya gugustuhing daanin sa santong paspasan ang kayang-kaya niyang gawin sa santong dasalan. Sa East Asia Summit noong 2012, ipinukol ni US President Barak Onama sa mukha ni Chinese Premier Wen Jiabao ang ganitong paghahamon, “Though we are not a party to the South China Sea dispute, we are a Pacific country, a maritime power – and a guarantor of peace in the Asia Pacific region. Buong giting na tumindig si Chinese Premier Wen Jiabao, “Hindi kami gutom sa digmaan. Subalit hindi kami ang uurong sa labanan kung isiniksik na kami sa pader.” At sa  ipinamalas ni yumaong presidente Benigno Aquino III na kahalintulad ng aktitud ni Obama, nagawa pang ulitin ni Premier Wen ang kanyang pagtanggap sa hamon, may patutsada na sa Pilipinas, “Malaking bayarin ng Pilipinas ang pagkatuto sa leksyong ito.”

- Advertisement -

 

 

Nasa usaping ito ang pinakamalaking pag-aalala nitong kolum.Tama ba ang ginagawa ng China na kumagat sa pain ng Amerika sa pamamagitan ng mga hakbang na nakapagpapalala sa posibilidad ng giyera sa South China Sea? Bakit mo ipagkakamali na gawain ng Pilipinas ang pagsiksik sa China sa pader na ang talagang may kagagawan ay ang Estados Unidos? At bakit ang Pililinas ang dapat pagbayarin nang mahal sa pagkatuto ng leksyon sa aralin ng digmaan?

Mula pa noong 2014 nang lagdaan ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) planado na ng Amerika ang pagpapalala ng tensyon sa South China Sea. At mangyari pa, bahagi ng plano ay ang malawak na pagtanggap dito ng sambayanang Pilipino. Sa kalagayan na ang utak Pinoy ay alipin ng kulturang Kano, maaasahan lamang na sa usapin ng pangangamkam ng China sa Ayungin Shoal at Scarborough Shoal, na linya ng propaganda ng Project Myuoshu ni Powell, sakay na sakay ang kalakhan sa masang Pinoy.

Sa bagay na ito, kapuri-puri ang agarang pagbuo ng Anti-War Peace Caravan na ang intensyon ay ilapit ang isyu sa sambayanan. Subalit may duda kung ang usapin ay malulutas tanging sa pamamagitan ng propaganda. Isang ratsada lamang ng Project Myuoshu ni Powell ay bilib na bilib na ang karamihan sa masang Pilipino – na gaya nga ng nadiinan na sa unahan, ay mga utak Kano na rin talaga.

Idagdag pa ito: ang mismong tagaulit ng linyang propaganda ng Project Myuoshu ay ang tagapagsalita ng Philippine Coast Guard na si Jay Tariella at ang Kalihim ng Depensa Gilbert Teodoro. Kasat na kasat na ang Pilipinas sa plano ng project Myuoshu na isubo na sa giyera sa China ang Pilipinas.

- Advertisement -

Ayaw nating pangunahan ang China, subalit lumalabas na tila buong gaan na naisasagawa ng Amerika ang planong giyera sa China. Isang malaking dahilan nito ay ang pagpatol ng China sa Amerika giyera por giyera. Ang labanan sa propaganda, halimbawa, kaugnay ng apat pang karagdagang baseng EDCA ay hindi makapagpapabago sa tinutungong aktwal na palitan ng putok.

Sa Pilipinas, kapag giyera sa South China Sea ang pinag-uusapan, karamihan kontra China. Hindi ba ito ang kahalintulad na kondisyon na nagtulak sa Amerika upang giyerahin ang Espanya noong 1898, pasukin ang Vietnam War noong 1964, at atakehin ang Iraq noong 2003? Ang pagkakaiba lang ngayon, imbes na Amerika ang humaharap sa gulo, ang nagsisilbing pambala sa kanyon ay mga buhay ng Pilipino.

Sa simula’t simula pa, nilinaw na natin na sa giyerang militar, walang nakasisiguro na may mananalo kontra Amerika. Ang kahinaan ng Amerika ay nasa kabuhayan. Dito dapat pumukos ang China, sa giyera na sigurado ang panalo niya. Kailangan ang mga tratadong pangkabuhayan na tinalakay na sa mga nakaraang kolum (Mutual Benefits Treaty – MBT; Visiting Resources Agreement – VRA; at ang Enhanced Lending Coverage Agreement – ELCA) upang burahin ang panlalason sa isip ng mga Pilipino na gawa ng Amerika sa kalahating siglo ng pananakop nito sa Pilipinas. Isang maunlad na pamumuhay ng mga Pilipino na malinaw na dulot ng China ang tiyak na magbubura sa pagkaalipin ng Amerika sa utak ng mga Pilipino – samakatwid magdedeny sa Amerika ng kinakailangang katwiran upang makihamok sa China.

Ang tanong na lamang ay ito: Kaya ba itong gawin ng kasalukuyang gobiyerno? Ang sagot,hindi. Bakit? Hawak ng Amerika sa ilong ang gobiyerno ng Pilipinas.  Hindi gugustuhin ng Amerika na armasan ang kaaway upang gapiin siya. Kaya kailangan paunlarin ang ugnayang mamamayan-sa-mamamayan ng China at Piliipinas. Sa pamamagitan lamang ng ugnayang ito maaaring isakatuparan ang mga kasunduang kailangan upang mapanalunan ng China ang tanging giyera na nakasisiguro siyang mapagwawagian laban sa Amerika.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -