KASALUKUYANG nakabinbin sa Bicameral Conference Committee (Bicam) ang aprubadong bersyon ng Senado para sa Philippine National Police (PNP) Reform Bill kung saan may dalawang mahalagang repormang itinutulak si Independent Senator Alan Peter Cayetano.
Ito ay inanunsyo ng Senado noong Lunes, Pebrero 26, nang banggitin ang komposisyon ng Senate Bicameral Conference Committee para sa PNP Reorganization Act o Senate Bill No. 2449 at House Bill No. 8327.
Si Senator Ronald “Bato” dela Rosa, bilang bill sponsor, ang mamumuno sa Senate panel. Kasama niya sina Senador Alan Peter Cayetano, Ramon Bong Revilla Jr., Joseph Victor Ejercito, Francis Tolentino, at Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel 3r bilang mga miyembro.
Sa panukalang ito, itinutulak ni Cayetano ang pagdaragdag ng mga tauhan sa Regional Forensic Unit-National Capital Region (RFU-NCR) at ang opsyon na nagpapahintulot sa mga kasalukuyang tauhan ng PNP na wala nang isang taon ang natitira sa serbisyo sa bisa ng ang batas na magretiro sa edad na 56 sa halip na 57.
Ani Cayetano, malaki ang oportunidad ng mga repormang ito na maisakatuparan ang pangarap ng isang mas propesyonal at mas epektibong puwersa ng pulisya.
“Kung sa batas na ito ay magtatanim tayo ng tamang resources, batas, at proteksyon para sa ating mga pulis, maganda rin ang aanihin natin,” wika ng senador sa kanyang interpellation kasama si dela Rosa noong December 12, 2023.
Aktibong sumusuporta si Cayetano sa modernisasyon ng PNP upang mapahusay ang kakayahan ng organisasyon na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa bansa at harapin ang pagrerebelde at terorismo.
Noong Enero, pinangunahan niya ang pagtatayo ng pinakabagong RFU-NCR crime laboratory sa Camp Bagong Diwa sa Lungsod ng Taguig na naglalayong mapabilis ang imbestigasyon ng krimen sa bansa at maibalik ang tiwala ng publiko sa batas.
“I am very much honored and I thank God for the opportunity to be able to advocate for you, to play a small part na y’ung mga facilities n’yo ay mapondohan at mapaganda, nasa administrasyon man ako o sa oposisyon,” sabi ni Cayetano.
Aniya, ang pagtulong sa PNP reporm ay bahagi ng kanyang tunguhin ng isang ‘transformed nation’, isang tunguhin na gusto rin niyang itanim sa institusyon.
“Let us have the same priorities, my brothers and sisters in uniform, dahil ito ay para sa inyo, para ating mga kababayan, at para sa ating mahal na bansang Pilipinas,” dagdag niya.