28.8 C
Manila
Huwebes, Marso 27, 2025

Digmaan ba ang parusa sa ating pagkakasala?

LANGIT AT LUPA

- Advertisement -
- Advertisement -

Sumama nang sumama ang mga pinuno ng Juda, ang mga saserdote at ang mamamayan. Nakigaya sila sa nakaririmarim na gawain ng ibang bansa. Pati bahay ng Panginoong itinalaga niya sa Jerusalem kanilang itinakwil. Gayunman, dahil sa habag ng Panginoon sa kanila at sa pagmamalasakit sa kanyang Templo, lagi niyang pinadadalhan sila ng mga sugo. Ngunit hinahamak lamang nila ang mga ito at ang mga propeta at pinagtatawanan sa anumang sabihin. Kaya, umabot na sa sukdulan ang poot ng Panginoon.

  • Ang Ikalawang Aklat ng Mga Cronica, 36:14-16

Sobra na ba ang galit ng Diyos?

Sa nangyayari sa mundo — digmaan sa Ukraina at Gaza, kalaswaan sa media at asal, pag-idolo ng madla sa armas, yaman at katanyagan, at pagpaslang ng sampu-sampung libong bata sa digma at sinapupunan — napakaraming dahilan upang “umabot na sa sukdulan ang poot ng Panginoon,” wika nga sa bersong Bibliya sa simula.

Tungkol sa sinaunang bayang Israel ang talata mula sa Ikalawang Aklat ng Mga Cronica. Iyon ang unang pagbasang Misa ng Marso 10, ang Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma, tinaguriang Linggong Laetare o “Magsaya” kung kailan kulay rosas ang suot ng pari, hindi lila.

Pero kung pag-iisipan ang mga pagbasang Misa, mahirap magsaya. Ikinuwento sa unang pagbasa ang parusa dahil tinularan ng mga Israelita ang “nakaririmarim na gawain ng ibang bansa.”


Kabilang nito ang pagsasakripisyo ng mga bata sa idolong si Baal — dalawang malubhang pagkakasalang pinagsabay: pagpatay ng anak at pagsamba ng ibang diyos. Idagdag pa ang pagbalewala sa mga sugo ng Panginoon.

Kaya naman itinulot ng Diyos masakop ang bayang Israel, bihagin at alilain sa Babilonya nang 70 taon. Ngayon, ano naman kaya ang parusa sa ating mundong mas masahol pa ang mga kasalanan?

Gising, mundo!

Depende kung gaanong kabagsik na kaparusahan ang kailangan upang magising at magsisi ang mundo sa mga kamunduhang pinagpapasasaan natin. Iyon ang isang dahilan kaya pinapayagan ng Diyos ang dusa: magising ang tao.

- Advertisement -

Mangyari, mas malupit sa anumang kalamidad sa buhay na ito ang mahulog sa impiyerno nang habang panahon sa kabilang buhay. At sa buhay ng tao at kasaysayan ng mundo, di-hamak na mas maraming kaluluwa ang nagigising at nagsisisi kaysa sa sumasakabilang-buhay sa mga trahedya at kahirapang dinaranas ng tao.

Halimbawa, noong pandemya, tinatayang 10 milyon ang yumao kung idaragdag sa mismong namatay sa coronavirus disease 2019 o Covid-19 ang mga nagwakas ang buhay dahil sa mga pahirap at ligalig na dala ng pandemya.

Subalit daan-daang milyong katao ang malamang napalapit sa Diyos dahil sa takot at pahirap na dala ng Covid-19. Sa pagtatanong-publiko o survey ng Pew Research ng Estados Unidos ng 14 na bansang mayaman ngunit humihina ang relihiyon, lumakas ang pananalig ng 10 porsiyento (sa Alemanya) hanggang 28 porsiyento (sa US) ng populasyon.

Kung 15 porsiyento ng mundo ang nagkaroon ng gayong epekto, mga 1.2 bilyong kaluluwa ang mas napalapit sa Diyos — at mas malamang hindi tumuloy sa impiyerno.

Iniulat din ng Google, ang ginagamit sa paghahanap ng impormasyon sa Internet, noong pandemya tumaas nang 30 porsiyento ang dalas ng paghahanap ng kaalaman gamit ang salitang “prayer” o dalangin. Iyon ang pinakamadalas sa buong kasaysayan ng Google, at matapos ang pandemay nanatiling 10 porsiyento higit sa nakaraan ang dalas ng paghahanap ng impormasyon gamit ang salitang “prayer.”

Giyera matapos ang pandemya?

- Advertisement -

Ngayon, ang tanong: Nagbago ba ang sangkatauhan matapos ang dagok ng tatlong taong pandemya? Hindi.

Sa mismong huling taon ng pandemya noong 2022, dinigma ng Rusya ang Ukraina. Nang halos magkasundo sila upang wakasan ang giyera kapalit ang di-paglahok ng Ukraina sa alyansiyang NATO, binara naman ng Amerika at Britanya ang kasunduang pangkapayapaan at sinusugan ang Ukrainang ituloy ang digma upang mapatalsik at manghina ang Rusya.

Tapos, noong Oktubre, nagkagiyera sa Banal na Lupain ng Israel matapos atakihin ito ng radikal na Palestinong hukbong Hamas. Sa pagganti ng hukbong Israel upang lipulin ang Hamas sa Gaza Strip, mga 30,000 Palestino ang tinatayang napatay, kabilang ang mahigit 20,000 kababaihan at kabataan.

Samantala, patuloy ang pagyurak sa mga panuntunan ng Kristiyanong pamilya sa paglaganap ng diborsiyo, mga sangkap at kagamitang kontra pagbubuntis, pagtatalik ng mga hindi kasal at ng parehong kasarian, at paglalaglag ng milyun-milyong sanggol.

Sa digmaan at salang pamumuhay, nangunguna ang mga bansang Kristiyano ng Europa at Amerika. Ang Pilipinas naman, ang bayang nananalig kay Hesukristo sa Asya, pinakamalubha sa mundo sa pangangalakal ng kabataan para sa seks at panonood ng kalaswaan sa Internet.

Tapos, tinutuligsa ng mga Katolikong tradisyonal ang pamunuan ng Simbahan dahil sa mga pagbabagong nagpapahina diumano sa mga pangaral at kautusan laban sa mga pagkakasalang seksuwal at pag-idolo ng mga huwad na diyos.

Sa gayong malawakang kontra sa Diyos sa pangunguna mismo ng mga bansang tinaguriang Kristiyano, hindi kataka-takang hayaan ng langit sumiklab ang digmang pandaigdig upang magsisi ang tao at kumalas sa kapit ng demonyo.

Idalanging nating magbago tayo ngayon na. Sa gayon, hindi sana kailangang gisingin ang mundo sa pagsabog ng digma.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -