29.6 C
Manila
Huwebes, Nobyembre 14, 2024

Angara: Reporma sa procurement law, tugon sa korapsyon sa gobyerno

- Advertisement -
- Advertisement -

TIWALA si Senator Sonny Angara na ang kanyang isinusulong na pag-amenda sa umiiral na Government Procurement Reform Act o GPRA ay magbubunga ng positibong pagbabago sa pagpapatupad ng mga proyekto at purchase of goods and services and supplies at iba pang aktibidad ng gobyerno na nalulusutan ng matinding korapsyon.

Larawan mula sa Facebook page ni Senator Sonny Angara

Matapos ang tatlong pagdinig, 10 technical working group meetings at ilang buwang konsultasyon hinggil sa 13 bills na nagtutulak sa mga panukalang pag — amyenda  sa Republic Act 9184 o GPRA, inisponsor ni Angara ang Senate Bill 2593 na nakatakdang pagdebatehan sa plenaryo.

Ang GPRA na priority measure din ng Legislative-Executive Development Advisory Council o Ledac ay inaasahang hindi lamang makatutulong na mas mapabillis ang government procurement process, kundi gawing mas mapahusay din ito.

“Ang R.A. 9184 na iniakda ng aking yumaong ama na si dating Senate President Edgardo Angara ay isang napakalaki at napakahalagang batas. Kinilala at umani ito ng samu’t saring papuri hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba’t panig ng mundo, kabilang na ang World Bank. At bagaman nagawa ng batas na ito na ipatupad ang mga importanteng reporma sa government procurement process, nakahanap pa rin ng paraan ang mga tiwaling indibidwal sa gobyerno na naging dahilan upang bilyun-bilyong piso ang masayang dahil sa korapsyon at sa pagpapabaya ng mga kinauukulan,” ani Angara.

“May mga ahensya tayo ng gobyerno na sa procurement of basic supplies pa lamang ay inaabot na nang napakahabang panahon bago nila makumpleto. Ibig sabihin, walang mahusay na kumpetisyon ng bidders at madalas sablay ang procurement of goods ng mga ahensyang ito dahil marahil sa poor planning o kaya naman ay dahil tali sila sa isinasaad ng batas,” saad pa ng senador.

Sa resulta ng pag-aanalisa ng World Bank noong 2019 sa Philippine procurement data, napagtanto nila na kung mayroon lamang mas pinahusay na procurement strategies ang Pilipinas, siguradong matitipid pa nito ang 29 porsyento ng kanyang kabuuang procurement spend.

Sa apat na taong sakop ng pag-aaral ng World Bank mula 2014 hanggang 2018, posible anilang nakatipid pa sana ang Pilipinas ng hanggang P1.2 triylon.

At dahil batid ng kasalukuyang administrasyon ang naglalakihang problema sa public procurement, maging si Pangulong Marcos ay nagpahayag na importanteng amendahan na ang GPRA.

Sa kanya ngang State of the Nation Address (SONA) nang nakaraang taon, binigyang-diin ng Pangulo na kinakailangan nang baguhiin ang public procurement upang maibagay na ang implementasyon nito sa kasalukyang panahon para gawing mas epektibo ang serbisyo ng gobyerno.

Kabilang sa mga isinusulong na reporma sa GPRA ay ang pag-aatas sa mga ahensya ng pamahalaan na magkaroon ng maayos na planning at maagang pagpapatupad ng procurement activities.

Isang probisyon na nilalaman ng Most Economically Advantageous Responsive Bid (MEARB) ang tutugon sa mga usapin hinggil sa award criterion na nakalahad sa RA 9184. Lumalabas kasi na dahil napupunta ang award sa lowest bidder, nabibili ng gobyerno ang mga kagamitang mahihina ang kalidad o subpar. Sa pamamagitan ng MEARB, titiyaking hindi lamang makatitipid ang pamahalaan, kundi sisiguruhin ding dekalidad ang mga mabibili nito.

Aatasan sa ilalim ng batas na ito ang Department of Budget and Management na lumikha ng procurement positions sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, para masiguro na mahuhusay at propesyonal ang mga itatalagang procurement practitioners ng pamahalaan.

“Isinama natin ito para mismong gobyerno ang manguna sa pagsuporta sa mga industriyang Tatak Pinoy upang mas mabilis na maging globally competitive ang mga ito,” ayon kay Angara na principal author at sponsor ng R.A. 11981 o ang Tatak Pinoy Act.

“Tiwala tayo na sa pagsasabatas ng reporma sa GPRA, hindi lamang bibilis ang procurement ng gobyerno, kundi magiging mas epektibo din ito. At sa ganitong paraan, iigting ang kapasidad ng gobyerno para tugunan ang pangangailangan ng sambayanang Pilipino. At kapag lalong gumanda at bumilis ang pag-responde, mas lalalim ang tiwala at magiging panatag ang kalooban ng sambayanan sa ating gobyerno,” saad pa ni Angara.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -