PINA-CITE in contempt ni Sen. Robinhood “Robin” Padilla nitong Martes si Police Major Allan de Castro, na naiugnay sa pagkawala ni beauty queen Catherine Camilon sa Batangas noong Oktubre 2023.
Umapela rin si Padilla kay Jeffrey Magpantay, isa pang naiugnay sa kaso, na makipagtulungan sa mga imbestigador para malutas sa wakas ang kaso.
“Minumungkahi ko po sa ating komite na ma-cite in contempt si G. de Castro. I so move,” ani Padilla sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs matapos sinabi ni committee chairman Sen. Ronald dela Rosa na hindi siya na nasiyahan sa mga sagot ni de Castro.
Aprubado kay dela Rosa ang mosyon ni Padilla, na i-cite in contempt si de Castro “for lying before this committee.” Iniutos niya na i-take into custody si de Castro.
Sa pagdinig, iginiit ni de Castro na wala siyang relasyon kay Camilon, sa kabila ng ebidensya mula sa pamilya ni Camilon at sa mga imbestigador.
Umapela rin si Padilla kay Magpantay na sabihin ang nalalaman niya, matapos pinilit ni Magpantay manahimik at magsalita na lamang sa korte.
“Kasi ang ayaw namin dito, kung sino ang taong maliit, yan ang napapahamak. Yan ang laging ganyan sa atin, laging may fall guy. Kawawa naman,” ani Padilla.
“Sana magkaroon kayo ng lakas ng loob makipagusap sa amin, handa kaming makinig,” dagdag niya.