“Malaking tulong po ito para sa pamilya at barangay namin dahil mabibigyan kami ng kabuhayan.”
Ito ang kwento ni Lovelyn Paeste, isang residente ng Lasam, Cagayan Valley pagkatapos niyang makatanggap ng tulong pangkabuhayan mula sa mga opisina nina Senador Alan Peter at Pia Cayetano nitong Huwebes, April 11, 2024.
Isa si Paeste sa 850 Cagayanong mula sa munisipalidad ng Lasam na nakatanggap ng tulong galing sa mga senador. Kabilang sa mga beneficiary ay mga magsasaka, persons with disability (PWD), grupo ng mga kababaihan, at bahagi ng sektor na may micro, small and medium enterprises (MSMEs).
Isinagawa ito ng mga senador sa tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region II sa pamamagitan ng kanilang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Program at Sustainable Livelihood Program (SLP).
“Magpapatayo po kami ng kainan at talipapa. Maraming, maraming salamat po kila Senador Alan Peter at Pia Cayetano,” wika ni Paeste, ma siyang kumatawan sa isa sa limang grupo ng mga SLP beneficiaries noong Huwebes.
Sabi naman ni Sheryl Mateo, isang tindera ng karne at isda na AICS beneficiary, na gagamitin niya ang tulong na ibinigay para sa ikauunlad ng kanyang maliit na negosyo.
“Nagpapasalamat po ako kina Senador Alan Peter Cayetano at Pia Cayetano dahil itong ibinigay nila ay pwede ko na pandagdag sa negosyo ko,” ani Mateo.
Sumang-ayon naman si Orlino Cuaresma Jr., isang PWD tricycle driver, sa pasasalamat na ibinigay sa kanilang mga beneficiary.
“Pinipilit ko pa rin pong mag trabaho para sa pamilya ko. Kaya nagpapasalamat po ako sa tumutulong sa programang ito, lalo na kay Mayor Agatep at kila Sen. Alan at Pia Cayetano. Maraming salamat po,” sabi ni Cuaresma.
Isinagawa ang pamamahagi ng tulong sa Natalged Arena sa Lasam sa tulong nina Lasam Mayor Dante Dexter Agatep, Councilor Lilybeth Del Rosario, DSWD Region II SLP Referral Program Officer Noel Domingo, at MSWD Head ng Lasam LGU Nenita Macaspac.
Kinabukasan, April 12, binisita naman ng Cayetano team ang kabisera ng lalawigan na Tuguegarao upang magbigay ng tulong pangkabuhayan sa isang libong ambulant vendor sa Cagayan State University Andrews Campus.
Ito ay ginawa katuwang ang DSWD Region II-AICS Program at sa pakikipag-ugnayan nina Cagayan Valley 3rd District Representative Joseph “Jojo” Lara, Board Member Ross Resuella, Board Member Leonides Fausto, at Tuguegarao City Councilor Tirso Mangada.
Bilang tugon sa mga pangangailangan ng ating kababayan sa hilagang Luzon, bumabalik ang mga Cayetano sa lalawigan ng Cagayan mula nitong Marso upang makipag-ugnayan sa mga komunidad na nangangailangan ng kabuhayan at iba pang tulong.