NAGHAHANDA na ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) para palawigin ang kanilang outreach initiatives sa ilang rehiyon kabilang ang Surigao del Sur, Negros Occidental, Bohol, Rizal, Zamboanga, at Pangasinan ngayong Abril hanggang bago matapos ang taong 2024.
Ang inisyatiba na tinawag na “PCUP Bayanihan para sa Bawat Maralita (PBBM) Caravan -Tuloy-tuloy na Serbisyo para sa Maralitang Pilipino,” ay layong palakasin ang pakikilahok sa mga komunidad ng mga maralitang tagalungsod sa Luzon, Visayas, at Mindanao, sa pagnanais ng PCUP na itaas ang kamalayan ng mga ito sa mga programa at serbisyo ng Komisyon.
Ang mga caravan na ito ay magpapatibay sa tagumpay ng mga nakaraang inisyatiba, na epektibong nagdala ng mga mahahalagang serbisyo sa mga residente, lalo na sa antas ng barangay.
Makakapag-akses ang mga benepisyaryo ng mga serbisyo mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kasama ang Department of Labor and Employment (DoLE), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Health (DoH), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Technical Education and Skills Development Authority (Tesda), Land Transportation Office (LTO), Philippine Statistics Authority (PSA), National Bureau of Investigation (NBI), Social Security System (SSS), at iba pa.
Pinagtibay ni PCUP Chairman at Chief Executive Officer, Undersecretary Elpidio Jordan Jr. ang pangako ng Komisyon sa pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo sa grassroots level sa pamamagitan ng mga outreach program, alinsunod sa misyon nito na mapabuti ang buhay ng mga komunidad ng maralitang tagalungsod.
“Our dedication to uplifting the lives of urban poor Filipinos remains steadfast, and the PBBM Caravan underscores this commitment by fostering stronger connections with communities and ensuring that the needs of the urban poor are met comprehensively and inclusively,” pahayag ni Jordan.