NAGBIGAY ng pahayag si Secretary Bienvenido Laguesma ng Department of Labor and Employment hinggil sa February 24 Labor Force Survey (LFS). Narito ang kanyang pahayag.
Ang DoLE ay nagagalak sa Labor Force Survey (LFS) results na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa buwang ito na nagpapakita ng pagbuti ng employment rate at pagbaba ng unemployment at underemployment level nitong nakaraang Pebrero kung ihahambing sa LFS results ng Enero 2024 at Pebrero 2023.
Ang nasabing resulta ay nagbibigay-lakas at inspirasyon sa amin upang higit pang pag-ibayuhin at pagbutihin ang implementasyon ng mga programa ng DoLE na sa tingin namin ay nakakatulong sa pagtaas ng bilang ng mga may hanapbuhay.
Nagpapasalamat kami ng lubos sa suporta, tulong at pakikiisa ng pribadong sektor upang makalikha pa ng mas maraming trabaho sa kapakinabangan ng mamamayang Pilipino.
Kaugnay nito, plano ng DoLE sa pamamagitan ng Labor and Employment Plan 2023-2028, na isang tripartite document at nakabatay sa Philippine Development Plan 2023-2028 na tiyakin na maipatupad ng tama, maayos at buong sigla ang mga prayoridad, istratehiya, at programa na kasama ang layunin na ihanda ang ating workforce, lalo na ang mga kabataan, sa mga oportunidad at trabaho na malilikha.
Bahagi ng nasabing plano ang patuloy at higit na pagpapalakas ng partnership at collaboration sa mga namumuhunan, business organizations, at mga development partners tulad ng International Labor Organization (ILO) upang makakalap ang DoLE ng batayang impormasyon tungo sa tamang polisiya, makakuha ng technical assistance upang magawa namin ang mga angkop na programa at proyekto na makakatulong sa pag-akit ng bagong puhunan, paglago ng mga umiiral na negosyo at paglikha ng de-kalidad na mga trabaho.
Sana sa mga darating na panahon, magtuloy-tuloy ang pagbaba ng bilang ng kulang o walang trabaho at dumami pa ang may matatag, maayos at disenteng trabaho.