UPANG maisulong ang transparency at lutasin ang mga isyu sa hindi nabayarang health emergency allowance (HEA) claims ng mga healthcare worker, muling iginiit ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” Pangandaman ang kanyang kahilingan sa Department of Health (DoH) na isapinal ang HEA mapping nito, at upang matugunan ng ahensya ang iba’t ibang isyu na nagpapabagal, o nagdudulot ng mga bottleneck sa pagpapalabas ng mga HEA claim.
Inulit ni Secretary Pangandaman ang kanyang panawagan sa DoH sa kanyang panayam sa “One on One Walang Personalan” ng DZBB nitong ika- 15 Abril 2024.
Sa isang pulong na ginanap sa unang bahagi ng taong ito sa pagitan ng DBM at ng DoH, iminungkahi ng DBM na bumuo ang DoH ng HEA mapping na kukuha at magpapakita ng lahat ng mga claim at payment ng HEA ayon sa Rehiyon/Health Facilities. Makatutulong ito sa mga stakeholder, tulad ng mga kinauukulang ahensya at HCW na subaybayan ang katayuan ng mga paglabas ng HEA. Makakatulong din ito sa pagpapabilis ng huling pagtukoy ng aktwal na halaga ng kakulangan upang masakop ang buong settlement ng mga arrears.
“Nag-request po ako na sana magkaroon po sila ng mapping – HEA mapping, para hindi po sila mahirapan sa listahan kung anu-ano po ‘yung mga hospital. Kasi ang pinakamahirap po talaga, and I think, ang nakikita ko rin po, is pag-validate po nung mga hospitals tsaka ng mga pangalan. Sana po kung nakapag-release po sila ng ilang bilyon, alam po nila saan napunta ‘yung bilyong pisong pondo na ‘yon. So, mas madali po makita kung sino ‘yung mga hindi nabayaran,” pahayag ni Secretary Pangandaman.
“Meron na po silang link (for the HEA mapping), pero ang sabi po sa amin, that it is still a working document and subject for adjustment. Tapos, nag-promise po sila na aayusin nila ‘yung link na ‘yun. So, siguro po, bigyan natin sila ng oras. Sana po within the month, sana po matapos nila ‘yun,” dagdag pa niya.
Inulit ng Budget Secretary ang kahilingang ito dahil ang budget para sa HEA na sumasaklaw sa lahat ng benepisyo ng healthcare workers ay nailabas na sa DoH.
“Ibigay ko lang po ‘yung mga numero. To date po, mula po nang nagsimula ang pandemic, at tsaka po nagkaroon ng batas para mabigyan ng compensation ‘yung ating mga health workers, P91.283 billion na po ang nare-release ng DBM,” pagbibigay-diin ni Secretary Pangandaman.
Batay sa data na inilabas ng DBM Budget Management Bureau B, ang inilabas na pondo para sa Public Health Emergency Benefits and Allowances (PHEBA) ay may kasamang P73.26B para sa Health Emergency Allowance (HEA)/One Covid-19 Allowance (OCA), P12.90B para sa Special Risk Allowance (SRA), P3.65B para sa Covid-19 Sickness and Death Compensation, at P1.4B para sa iba pang benepisyo, gaya ng pagkain, accommodation, at allowance sa transportasyon.
“This year po, ang total budget po natin na nilagay para sa HEA is P19.962 billion. So mga P20 billion po ang meron sa GAA. ‘Yung budget po natin this year, ang ginagawa po natin is comprehensively released. Binigay na po natin lahat ‘yan sa DOH. So, sila po ang bahala mag-disburse,” ani Sec Mina.
Ayon sa data na isinumite ng DoH sa DBM, sa P91 billion budget na narelease ng DBM sa ahensya, nakapagdisburse na ang DoH ng P64 billion.
Samantala, para agad na malutas ang mga bottleneck sa pagpapalabas ng mga natitirang hindi nababayarang HEA claims, na karamihan ay mula sa mga pribadong ospital at local government units (LGUs), iminungkahi ni Secretary Pangandaman na isaalang-alang ng DoH ang paggamit ng blanket memorandum of agreement kasama ang Department of Interior and Local Government (DILG) at mga pribadong organisasyon.
“Una po, baka puwedeng, para po ma-resolba ang bottleneck, ‘yung tinatawag po na MOA na ginagawa nila, baka pwedeng blanket MoA na lang po siya sa lahat ng mga private organizations tsaka sa mga LGUs. Maybe that can be done through DILG. Kasi organized naman po ‘yung mga healthcare workers natin. Tapos tanggapin po nila ‘yung hardcopy para makarating na ‘yung dokumento sa DoH, and then siguro maglagay din po sila ng mga tao sa digital system nila para maging mas maayos.”
Habang tinatapos ng DoH ang HEA mapping, tiniyak ni Sec Pangandaman na makukuha ng ating mga healthcare workers ang kanilang hindi nababayarang benepisyo.
“Gayunpaman po, we assure our healthcare workers that we will continue to act on the matter. Gusto po ni Pangulong Bongbong Marcos na mai-settle na ng gobyerno sa lalong madaling panahon ang unpaid HEA claims ng ating mga healthcare workers. Kaya naman po, patuloy pong magbibigay ang DBM ng kinakailangang suporta at gabay, lalo na sa DoH, para masigurong maibibigay po ang mga benepisyo na nararapat para sa ating mga health workers. After all, hindi po matatawaran ang sakripisyo, pagod, at pag-aalaga nila sa atin lalo na noong kasagsagan ng pandemya,” sinabi ni Secretary Pangandaman.