30.4 C
Manila
Biyernes, Disyembre 6, 2024

Anong sanhi ng away Marcos-Duterte? Amerika

- Advertisement -
- Advertisement -

ISA sa mainit na balita ngayon ang sama ng loob ni Unang Ginang Liza Araneta-Marcos kay Bise-Presidente o VP Sara Duterte Carpio. Sa panayam kay brodkaster Anthony Taberna, sinabi ni Madam Liza na “bad shot” ang VP sa kanya dahil natawa ito nang iparatang ni dating pangulong Rodrigo Duterte na gumagamit ng droga si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Liza Araneta Marcos Contributed photo mula sa The Manila Times
Bise Presidente Sara Duterte. Larawan ni Ismael de Juan/ TMT

Bakit nga ba nagkasigalot ang mga kampong Marcos at Duterte na magkakampi noong halalan? Umayaw sa pagkapangulo si Sara bagaman nangunguna noong simula, at sa halip tumakbong bise-presidente ni Marcos. Dahil dito, napunta kay Marcos ang malaking suporta kay Pangulong Duterte — isang malaking dahilan kaya nanalo siya.

Sa totoo lang, hindi dapat magkasira sina Marcos at Duterte kung ibig nilang mamuno sa bayan nang maraming taon at makapagsulong ng malawakang reporma. Mangyari, ang tinaguriang “supercoalition” o higanteng alyansiya nila malamang magwagi sa sunud-sunod na halalan at makapagpasa ng maraming panukala, kabilang ang mga amyenda sa Saligang Batas.

Pero kahit ayos ang samahan ng Pangulo at Pangalawang Pangulo, may mga puwersang ayaw humalili si VP Sara pagwakas ng termino ni Marcos sa Hunyo 2028. At pangunahin sa mga kontra-Sara ang Estados Unidos (US).

Hindi lingid sa maraming Pilipino, nagkainitan ang ama ni Sara at ang Amerika noong pangulo si Rodrigo Duterte. Muntik pa niyang buwagin ang Visiting Forces Agreement (VFA), ang basehan ng pagpasok sa Pilipinas ng hukbong US at paggamit ng siyam na base ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Kaya noong payagan ni Marcos gamitin ng Amerika ang mga paliparan at daungang AFP alinsunod sa EDCA, nangamba na ang US na ihihinto ni Sara ang EDCA at VFA kung maging pangulo ito kasunod ni Marcos. Kaya kumilos na ang mga kakampi ng US laban sa Bise-Presidente.

Una, noong nagdaang Mayo, itiniwalag nila si dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo, pangunahing tagasuporta ni Sara, sa pagka-senior deputy speaker ng Kamara de Representantes.

Tapos, sa Kamara, inatake si Sara sa usapin ng pondong lihim at pang-intelihensiya, bagaman mismong ang anak ng Pangulo, si Kong. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, ang pansamantalang humadlang sa talakayan.

Lalong tumindi ang atake nang magbunsod ang International Criminal Court ng pagsisiyasat ng libu-libong napatay noong kampanya kontra-droga ng administrasyong Duterte, at idinawit a si Sara gayong hindi siya opisyal ng pambansang gobyerno noon.

Samantala, panay ang labas sa media ng Tagapangusap o Speaker ng Kamara, ang pinsan ni Marcos na si Ferdinand Martin Romualdez. Parang pangulo ang asta niya at panay ang sama kay Marcos sa mga biyahe sa ibang bansa.

Isinulong din niya ang pag-amyenda ng Konstitusyon, at isa sa mga pagbabagong nabalita ang parlamentong sistema ng gobyerno, kung saan mas mahihirapan si Sara maging puno ng pamahalaan.

Ang panganib ng digma

Mabuti sana kung sigalot lamang sa politika ang dala ng plano ng Amerika sa ating bansa. Mas mapanganib ang mismong mga baseng EDCA na gagamitin ng mga puwersang US at marahil iba pang bansa gaya ng Hapon.

Sinabi ni Marcos noong una niyang ipagamit ang mga baseng AFP na para lamang sa depensa ng Pilipinas ang EDCA at hindi sa giyerang Taiwan. Ngunit binalewala ito ng Amerika at tahasang sinasabi ng mga heneral, eksperto at media sa US na gagamitin ang mga base kung magkadigma sa Taiwan at aatakihin nito ng China sa labanan.

Noong isang lingo, sinabi naman ng Pangulo na walang plano dagdagan ang mga baseng EDCA. Hindi malayong hindi makinig ang US. Mangyari, may estratehiya ang militar ng Amerika na ikalat sa maraming isla ang mga eroplanong pandigma sa Asya nang mahirapan silang atakihin ng kalaban.

Ang problema, kahit makalilikas ang mga eroplanong US sa iba’t-ibang lugar, walang takas sa atake ang mga base natin at ang mga komunidad nila. At makikita na sa planong EDCA ang panganib na nakaumang sa palibot ng mga base. Bahagi ng mga proyekto ang mga programang pangkalamidad. Di-hamak na hindi ito para sa bagyo, baha o lindol — kundi sa digma.

Pinalalabas ng mga nagsusulong ng EDCA na kailangan natin ang tulong ng ibang bansa upang labanan ang panghihimasok ng China sa West Philippine Sea (WPS), ang karagatang saklaw ng ating exclusive economic zone (EEZ), kung saan Pilipinas ang may karapatang makinabang sa yamang dagat.

Subalit sa katunayan, bago binuksan ni Marcos ang mga base natin sa Amerika, maganda ang relasyon natin sa China at may balak pang magkaroon ng sanib-negosyo o joint venture upang maghanap at magproduksiyon ng petrolyo sa WPS. Subalit dahil ipinagamit ni Marcos ang mga base sa Amerika na handang makipagdigma para sa Taiwan, natural lamang na umasim ang relasyon at tumindi ang girian natin sa China.

Ngayon, pati payapang Batanes gagamitin sa digma. At sa gaganaping pagsasanay ng AFP at US, gagamitin ang pinakabagong raket ng Amerika na makaabot hanggang China.

Sa mga pakana ng US, lalong iinit ang sigalot natin sa politika at China.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -