BUKAS si Sen. Robinhood “Robin” Padilla sa pagsulong ng Constitutional Convention (Con-Con) para amyendahin ang ilang economic at political provisions ng Saligang Batas.
Ani Padilla, na tagapangulo ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, hihingi siya ng tulong sa dalawang dating Finance Secretary para tiyaking hindi masyadong magastos ang Con-Con.
“Kasi nang nag-uusap kanina, halos lahat ng expert sinasabi nila bakit utay-utay pa, bakit hindi sabayin. Sabi (ng) legis, siguro isulong natin ang Con-Con. Gusto natin talagang ang Constitution, kasi may nagsabi kanina na expert, ang linaw ng pagkakasabi, bakit naman isa-isa. Di ba pag-usapan nang buo,” aniya sa panayam Miyerkules ng gabi.
Balak ni Padilla na ihain ang bagong resolusyon para rito sa susunod na linggo.
Ayon kay Padilla, kailangan nang isabay ang pagbabago sa economic at political na probisyon, matapos iginiit ng ilang dumalo sa pagdinig ng komite niya na may problema ang ilang probisyon ng 1987 Constitution.
Isa rito ang panawagan ng mga konsehal na kailangang limang taon ang termino ng lokal na opisyal sa halip na tatlo, para may sapat na panahong ipatupad ang kanilang mga programa. Ayon kay Interior Assistant Secretary Romeo Benitez, maiksi ang tatlong taon dahil sa unang taon ay honeymoon period, ang pangalawang taon ay seryosong trabaho, at ang pangatlong taon ay para sa paghahanda sa susunod na halalan.
“Sinasabi ng nasa local government, dapat 5 years. Kailangan pagaralan,” ani Padilla.
Dagdag ni Padilla, hihingi siya ng tulong kay dating Finance Secretaries Margarito Teves at Romulo Neri para tiyaking hindi sobrang laki ang gagastusin sa Con-Con.
“Narinig nyo ang expert kanina … malinaw na malinaw na sinabi nila, old na po. Hindi na po natutugma sa panahon ngayon ang Constitution natin,” ani Padilla.