27 C
Manila
Lunes, Setyembre 16, 2024

Gatchalian muling isinulong ang pagtatatag ng Virology and Vaccine Institute

- Advertisement -
- Advertisement -

Sa gitna ng pagdiriwang ng World Immunization Week mula Abirl 24 hanggang Abril 30, muling binigyang diin ni Senador Win Gatchalian ang pangangailangan sa pagtatatag ng Virology and Vaccine Institute, bagay na aniya’y makatutulong sa lokal na produksyon ng mga bakuna.

Ipinaabot ni Gatchalian ang kanyang mensahe sa gitna ng patuloy na banta ng pertussis o whooping cough sa bansa. Ayon sa Department of Health (DOH), umabot na sa 1,477 ang mga naitalang kaso ng pertusiss sa bansa mula Enero 1 hanggang Abril 6, habang 63 naman ang namatay. Ayon pa sa DOH, 76% ng mga naitalang kaso ay mga batang wala pang limang taong gulang.

Habang patuloy na umaakyat ang mga kaso ng pertussis, matatandaang nagbabala ang DOH sa posibleng kakulangan ng mga pertussis vaccines pagdating ng Mayo. Ngunit nakabili ang kagawaran ng tatlong milyong dose ng pertussis vaccines mula sa Serum Institute ng India upang tiyakin ang patuloy na suplay ng mga naturang bakuna sa Mayo at Hunyo. Inaasahan namang darating sa Hulyo ang anim na milyong dose ng pentavalent vaccines na nagbibigay proteksyon laban sa pertussis, diphtheria, tetanus, hepatitis B, and Haemophilus influenzae type b.

Ayon kay Gatchalian, mahalagang patatagin ang lokal na kapasidad ng bansa para sa produksyon ng mga bakuna. Sa ilalim ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines (VIP) Act of 2022, isinsulong ng mambabatas ang mga inisyatibo para sa technology transfer, pati na sa patuloy na produksyon, at pagpapaigting ng lokal na kapasidad. Layon din ng naturang panukala na itatag ang VIP upang magsilbing pangunahing research and development institute sa larangan ng virology upang saklawin ang mga virus, viral diseases sa mga halaman, hayop, at tao.

“Kapag nagkaroon na tayo ng sarili nating Virology and Vaccine Institute, matutugunan na natin ang pangangailangan sa tama at napapanahong pananaliksik at suplay ng mga bakuna tulad ng nararanasan natin ngayon sa bakuna ng pertussis. Tulad ng karanasan natin noong panahon ng pandemya ng Covid-19, nakita natin kung gaano kahalaga ang pagkakaroon ng sariling produksyon ng mga bakuna,” ani Gatchalian.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -