ALINSUNOD sa layunin nitong palawakin ang oportunidad sa trabaho, magsasagawa ang Department of Labor and Employment (DoLE) ng job fair sa buong bansa bilang paggunita sa ika-122 Araw ng Paggawa ngayong Mayo 1.
Inaanyayahan ni DoLE Secretary Bienvenido Laguesma ang mga naghahanap ng trabaho na bisitahin ang alinman sa 97 job fair sites sa mga rehiyon kung saan 2,570 na employers ang mag-aalok ng kabuuang 213,932 na bakanteng trabaho. Samantala, may kabuuang 102 employers ang mag-aalok ng higit 44,000 trabaho sa ibang bansa.
Hangad din sa Araw ng Paggawa ngayong taon na magsagawa ng job fair sa bawat lalawigan upang mas mailapit ang mga oportunidad sa trabaho sa mga manggagawang Pilipino sa mga rehiyon, ayon kay Secretary Laguesma.
Hinihikayat din niya ang mga naghahanap ng trabaho na samantalahin ang mga oportunidad sa trabaho sa iba’t ibang industriya, kabilang ang business process outsourcing, financial at insurance, at manufacturing. Samantala, ang mga nangungunang bakanteng trabaho ay para sa mga call center representatives, microfinance officers, at production operator.
Hinihikayat din ng labor department ang mga aplikante na maging handa sa kinakailangang dokumento tulad ng resume o curriculum vitae, certificate of employment para sa mga dating nagtrabaho, diploma, at transcript of records.
Isa sa istratehiya ng Kagawaran ang pagsasagawa ng mga job fair para palakasin ang serbisyong pangtrabaho alinsunod sa roadmap nito, ang Philippine Labor and Employment Plan 2023-2028.
Tampok din ang mahalagang papel ng mga lokal na pamahalaan at kani-kanilang Public Employment Service Offices para sa maayos na pangangasiwa ng trabaho sa lokal na antas.
Ang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa ngayong taon ay may temang, “Sa Bagong Pilipinas:Manggagawang Pilipino, Kabalikat at Kasama sa Pag-asenso.” ALDM/gmea