SA pakikipagtulungan sa mga pangunahing ahensya ng pamahalaan, isinagawa nina Senador Alan Peter at Pia Cayetano ang apat na araw na social welfare mission sa Palawan na nagbigay tulong sa 1,796 residenteng nangangailangan.
Mula April 24 hanggang 27, 2024, ang mga kinatawan ng magkapatid na senador, sa pakikipagtulungan sa Department of Health (DoH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD), ay nagsagawa ng serye ng mga programang naglalayong pamahagian ng tulong ang iba’t-ibang komunidad.
Nagsimula ang misyon sa “Tulong Medikal Program,” isang programang pangkalusugan na nagbigay tulong sa 662 residente ng Aborlan, Palawan, partikular na sa mga barangay ng Apoc-Apoc, Ramon Magsaysay, at Iraan.
Ito ang unang pagkakataon na isinagawa ang “Tulong Medikal Program” sa labas ng isang ospital, kung saan ang medical team ang siyang pumunta sa munisipalidad.
Pinasalamatan ni Maricon Cayao, isang Kawani ng Social Welfare ng Aborlan, ang mga senador at sinabi na makakatulong ang kanilang suporta sa mga medical mission ng lungsod.
“I really thank the team of the senators for their support in Aborlan Medical, lalo na po sa aming mga medical missions na ginagawa. Thank you so much sapagkat lalo ninyong napaigting ang aming medical mission,” aniya.
Sa pamamagitan ng “Tulong Medikal Program,” nahandugan ang mga residente ng iba’t ibang serbisyo tulad ng libreng pagsusuri sa kalusugan, pangkalahatang check-up, dental check-up, at seminar patungkol sa HIV/AIDS. Namahagi din ang mga kinatawan ng mga senador ng libreng gamot at nagsagawa ng libreng PhilHealth registration.
Naisakatuparan ang “Tulong-Medikal Program” sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang stakeholder, kabilang ang DoH, Aborlan Medicare Hospital, lokal na pamahalaan ng Aborlan, at ang Mitra family.
“Pangako po, kami ay nakaalalay sa inyo. Alam po naming na mahirap magkasakit sa panahon ngayon,” wika ni Monica Mitra, ang chief political affairs officer ng mga Cayetano.
Bukod sa healthcare service, nagbigay rin ang mga Cayetano ng livelihood assistance sa 1,016 residente mula sa mga barangay ng Sta. Monica at Bancao-Bancao sa Puerto Princesa at mga residente mula sa El Nido, Palawan.
Sa pakikipagtulungan ng DSWD at ng lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa at El Nido, naipamahagi ang livelihood assistance sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS. Pinunan ng AICS ang pangangailangan ng mga miyembro ng sektor ng kababaihan, mga magsasaka, at low- income earners.
Ipinahayag ni Jenalyn Antimano, mula sa Barangay Masagana, ang kanyang pasasalamat sa mga senador. Ayon sa kanya, malaking tulong ito para sa kanilang pang araw-araw na gastusin.
“Ako po’y nagpapasalamat kina senator. Yung ibinigay po sa amin na tulong ay makakadagdag po sa pambili namin ng pang araw-araw na pagkain,” aniya.
Kabilang sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng aktibidad sa dalawang munisipalidad sina Monica Mitra, Roxas Association of Barangay Chairman (ABC) President Mary Anne Catalan at ang yumaong Palawan 1st District Representative Edgardo ‘Egay’ Salvame na kinatawan ng kanyang asawa na si Rosalie “Mommy Rose” Salvame.
Upang mas palakasin pa ang kanilang social welfare mission, isinagawa rin ng dalawang senador ang programang “Presyo, Trabaho, Kita/Kaayusan” o PTK nitong April 25, kung saan nabigyan ng arm sleeve merchandise ang mga miyembro ng AIRTODA Transport Service Cooperative.
Bukod dito, nakipag-ugnayan ang mga kinatawan ng mga senador sa mga miyembro ng AIRTODA upang makakuha ng mga update sa kanilang sektor.
Noong araw ding iyon, nagbigay ng toolkits ang magkapatid na senador sa 118 Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) graduates ng Puerto Princesa na kumuha ng mga programa sa Agrikultura.
Bilang mga tagapagtaguyod ng kapakanan ng bawat Pilipino, patuloy na isasagawa ng mga Cayetano ang mga misyong may layuning tulungan ang mga nangangailangan upang magdala ng positibong pagbabago sa bawat komunidad sa bansa.