NAKIPAG-UGNAYAN ang Department of Labor and Employment (DoLE) sa Rotary Club of Manila (RCM) at People Management Association of the Philippines (PMAP) para bigyang parangal ang mga natatanging manggagawa mula sa iba’t ibang rehiyon sa pagdiriwang ngayon ng bansa sa Araw ng Paggawa.
Pinarangalan ng Tower o The Outstanding Workers of the Republic Awards ang mga
natatanging non-supervisory blue-collar at white-collar na manggagawa sa bansa (indibidwal at grupo) para sa kanilang mga mahahalagang inobasyon at makabuluhang kontribusyon para sa pangkalahatang kahusayan, produktibidad, at pagganap ng kanilang kumpanya.
Ipiprisinta kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang mga natatanging manggagawa na tumanggap ng Tower awards sa Palasyo ng Malakanyang bilang bahagi ng pagdiriwang ng bansa sa Araw ng Paggawa.
Kasama din sina Labor Secretary Bienvenido Laguesma, RCM President Rafael Alunan, at PMAP President Ma. Elizabeth Nasol sa magbibigay ng tropeyo, cash, at certificates sa tatlong indibidwal at tatlong grupo na nanalo.
Bilang pagkilala sa mahalagang papel ng mga manggagawa sa pag-unlad ng ekonomiya at teknolohiya, pinararangalan ng Tower Award ang mga indibidwal na nagpapakita ng kanilangn kahusayan at namumukod-tanging pagganap sa trabaho at mga organisasyon na nagbibigay-halaga sa pamamahala ng kanilang manggagawa bilang pangunahing tagapagtaguyod ng kanilang negosyo.
Bahagi ang Tower Awards ngayon taon sa pagdiriwang ng Kagawaran sa ika-122 taon ng Araw ng Paggawa upang parangalan ang mga manggagawa sa kanilang mahalagang papel bilang matatag na katuwang ng pamahalaan sa pagpapasigla at paglago ng ekonomiya. CSDM/gmea