31.3 C
Manila
Sabado, Oktubre 5, 2024

Run After Contribution Evaders, regular nang isasagawa ng SSS-Puerto Princesa

- Advertisement -
- Advertisement -

REGULAR nang isasagawa ng Social Security System (SSS) sa Puerto Princesa ang kanilang programang Run After Contribution Evaders o RACE, ayon kay SSS Puerto Princesa City branch head Abdultalib Abirin matapos ang isinagawang nationwide simultaneous RACE ngayong araw Abril 30, na isa sa mga aktibidad ng nasabing tanggapan kaugnay ng pagdiriwang ng Labor Day bukas, Mayo 1.

Kasama ang SSS-Puerto Princesa Branch sa nagsagawa ng nationwide simultaneous SSS-RACE ngayong Abril 30, 2024. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

“Regular na nating isasagawa ang RACE dito sa ating lalawigan maging sa lungsod ng Puerto Princesa. Isasagawa natin ito kada buwan kung saan target natin na mabigyan ng ‘show cause order’ o ‘notice of violation’ ang ang mga establisyemento na lumalabag sa ating batas na RA 11199 o ang Social Security (SS) Act of 2018,” pahayag ni Abirin.

Ayon pa kay Abirin, para sa buwan ng Mayo, isasagawa ang RACE sa Mayo 8 sa lungsod ng Puerto Princesa kung saan ay inaasahan ang pagdating dito ng mga opisyal ng SSS partikular na ang mga opisyal mula sa Legal Department.

Nasa anim na establisyemento ang nabisita ng SSS at binigyan ang mga ito ng ‘notice of violation’ na mayroon lamang 15 araw upang ito ay tupdin. Kalimitan sa mga naitatalang paglabag ng mga establisyemento ay ang non-registration, non-production at non- remittance.

Samantala, sa isinagawang SSS-RACE sa bayan ng Taytay at El Nido, umabot sa 20 establiyemento ang naisyuhan ng ‘show cause order’ o ‘notice of violation’. Sampu sa mga ito ay sa bayan ng Taytay at sampu din sa bayan ng El Nido.

Pinangunahan ni Atty. Alejandre Diaza, acting head ng SSS Luzon South Division ang isinagawang RACE sa dalawang nabanggit na bayan.

Ayon naman kay SSS Puerto Princesa assistant branch head Zenia Delcoro, nasa 50 porsyento na ng mga establisyemento sa Palawan at Puerto Princesa City na nabigyan ng show cause order o notice of violation sa taong 2023 at ngayong 2024 RACE ang nakapag-comply na ng kanilang mga paglabag.

Ayon kay Delcoro, sa pamamagitan ng SSS-RACE ay ipinapaliwanag sa mga may ari ng bawat establisyemento na may mga programa ang ahensya na maaari nilang ma-avail tulad ng Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management at Restructuring Program upang hindi sila mahirapan. (OCJ/PIA MIMAROPA – Palawan)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -