HINDI direktang may kaugnayan sa pagtaas ng kaso ng sakit na pertussis ang init ng panahon na nararanasan ngayon.
Ito ang kinumpirma ni Medical Officer IV Dr. Mathew Medrano ng Department of Health-Center for Health and Development (DoH-CHD)-Mimaropa sa Kapihan sa PIA na isinagawa sa SM City Puerto Princesa kamakailan.
“Not directly…siguro po kung titingnan natin kapag panahon ng init at nagsasama-sama…kung close setting dahil magkakasama po tayo at pag may sintomas at hindi tayo maayos sa ating hygiene dahil nasa kulong na lugar po tayo tulad ng isang bahay, doon lamang po maaaring magkakahawa-hawa. Pero kung dahil sa init ng panahon, hindi po sya directly related sa pagtaas ng pertussis,” pahayag ni Medrano.
Ayon pa kay Medrano na may naitala nang 18 kaso ng Pertussis sa lalawigan at walo dito ay mula sa Puerto Princesa City.
“Sa Palawan mayroon na tayong 18 cases at walo po doon ay sa [lungsod ng] Puerto Princesa. Hindi lahat ng munisipyo sa Palawan ay may kaso ng pertussis. Ang iba po ay clinically confirmed, isa pa lamang po sa Puerto Princesa ang laboratory confirmed,” dagdag ni Medrano.
Ayon pa kay Medrano, kaya nagkakaroon ng active cases ng pertussis ay dahil sa mas pinaigting na testing ng DoH sa pamamagitan ng mga health care workers.
“Ito po ay alarming pero nagkakaroon po tayo ng active case findings para po siguraduhin nating hindi na dadami…tayo po ngayon ay nakikiusap sa ating mga health care workers para po paigtingin ang pag detect at pag remind po ng ating preventive strategies,” sabi pa ni Medrano.
Ayon pa kay Medrano, ang pertussis sa mga bata na hindi kumpleto ang bakuna ay hinihikayat na magpabakuna na upang malabanan ang pertussis. Ayon sa impormasyon ng DoH, ang Pertussis o whooping cough ay nagdudulot ng matinis at ipit na paghinga matapos ang pag-ubo. Ang bata ay maaaring makaranas ng apnea o pagtigil sa paghinga, pagkahirap sa paghinga, at pagsusuka.
Dahil dito ay pinapayuhan ng DoH ang mga nakakaranas ng malubhang pag-ubo, pangingitim o pag-kulay asul, o hirap sa paghinga na agad na kumonsulta sa pinakamalapit na health center sa inyong lugar.
Ang Kapihan sa PIA ay programa ng Philippine Information Agency – Mimaropa tuwing buwan na regular na mapapanood sa Facebook pages ng PIA Mimaropa at PIA Palawan. (OCJ/PIA MIMAROPA – Palawan)