SA pagdiriwang ng Labor Day, patuloy ang pag-agapay nina Senator Alan Peter at Pia Cayetano sa mga kababayan na nangangailangan at nagpaabot ng tulong pangkabuhayan ng mga kababaihan sa City of Batangas noong May 1, 2024.
Naglaan ang magkapatid na senador ng mga proyektong pangkabuhayan para sa Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI) mula sa mga Barangay Talahib Pandayan at Conde Labac sa Lungsod ng Batangas sa pakikipagtulungan sa Integrated Livelihood Program (DILP) ng Department of Labor and Employment.
Ang KALIPI ay isang organisasyon na may layuning palakasin ang mga kababaihan sa pamamagitan ng community activities at livelihood programs. Sila ay bahagi ng “Presyo, Trabaho, Kita/Kaayusan” o “PTK” ni Senator Alan, isang programa na inilunsad niya noong 2013 upang paunlarin ang mga grupo at komunidad sa iba’t ibang sektor at kabuhayan.
Sa karagdagang suporta mula kay Senator Pia, natanggap din nila ang kanilang hiling na salon packages at karagdagang kagamitan para sa kanilang event rental services.
Hinikayat ni Marivel “Mabel” Santos, KALIPI – Batangas City PTK focal person at Executive Assistant sa Mayor, ang mga benepisyaryo na gamitin sa mabuti ang kanilang mga natanggap at nagpahayag ng pasasalamat sa mga senador.
“Ngayon po ay araw nating mga manggagawa. Hindi po ito mangyayari kung wala ang suporta nina Senator Pia at Senator Alan Peter Cayetano kaya ang aming pagpapasalamat sa kanila dahil ang mga ito ay makakatugon sa mga pangagailangan ninyo. Sana po ang mga tulong na ito ay mapalago ninyo,” wika niya.
Nagpasalamat din si Neri Asi, presidente ng KALIPI sa Barangay Conde Labac, sa mga senador para sa karagdagang kagamitan para sa kanilang event rental services.
“Salamat po sa ipinagkaloob niyo sa aming samahan at ibinigay ang aming pong mga nirequest na mga kagamitan. Lubos po ang aming pasasalamat dahil kami po ay napagkalooban ng ganitong pagkakakitaan,” wika niya.
Sa kasalukuyan, mayroon nang higit sa 200 na grupo sa buong bansa ang PTK, na binubuo ng mga grupo ng kababaihan, public utility vehicle (PUV) drivers and operators, mga manininda, magsasaka, mangingisda, at marami pang iba.
Sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan, inaabot ng magkapatid na senador ang bawat sulok ng bansa upang magbigay ng mahahalagang tulong sa mga Pilipino na nangangailangan.