HULING BAHAGI
Paumanhin ang hiling ng inyong lingkod. Dahil sa biglang atake ng vertigo noong isang linggo, tumilapon ako sa dakong ibaba ng aming hagdan, na lumikha ng seryosong lamat sa dalawa kong tadyang. Sagsag ang anak ko sa pagtakbo sa akin sa ospital. Pagkaraan ng malawakang X-ray ng aking katawan at ako ay naresetahan ng gamot kontra-kirot, ako ay pinauwi na.
At doon nagtatapos ang kwento ng aking sakuna? Hindi. Dahil nagkataon na kinabukasan ng insidente ay naikonsulta ko iyun kay Dr. Yvonne Vinas, mula sa internal medicine department ng Hemodialysis Unit ng Antipolo City Hospital System. Sumailalim ako roon sa dialysis treatment tatlong araw kada linggo. Ayon kay Dr. Vinas, kung ang prognocis sa akin ay vertigo, dapat na sumailalim pa rin ako sa cranial CT Scan. At iyun ang siyang maaaring nagaganap habang binabasa ninyo ang piyesa kong ito.
Mangyari pa, naging pabuya sa akin na muling maranasan nang personal ang kagandahang loob na ito mula sa Malasakit Center, na lagi nang kabahagi ng Antipolo City Hospital System sa paghatid ng serbisyong medikal at pangkalusugan sa mga mamamayan ng Antipolo. Ikinekredit ang pagkakatatag sa Malasakit Center kay Senador Christopher Lawrence “Bong” Go. Sa katunayan, pangalawang pagkakataon ko na ito na makamit mula sa Malasakit Center ang biyaya ng pagpapahaba pa ng aking mahaba na ring 83 anyos na buhay.
Maraming salamat, Senador Bong Go!
***
NAGLALAGABLAB na nga ba ang apoy sa karagatan ng South China Sea? Sa isang pahayag bilang paglilinaw sa isyu ng South China Sea, nilinaw ni Chinese Ambassador Huang Xilian na ang pilit pinipigilan ng China na gawin ng Pilipinas ay ang pagdadala ng mga materyales pangkonstruksyon sa BRP Sierra Madre na nakabalahura sa Ayungin Shoal mula pa noong 1999. Na bagay na pinakatutultutulan naman ng Pilipinas. Nagkakaisa sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Kalihim Gilbert “Gibo” Teodoro ng Tanggulang Pambansa, Spokesperson Jay Tarriela ng Philippine Coast Guard (PCG) for West Philippine Sea, at iba pang matataas na opisyal ng ehekutibo at lehislatibo sa maingay na pangangatwiran na hindi makatarungang pagbawalan ang isang bansa na kumilos sa sarili niyang teritoryo.
Sa hindi na mabilang na pagkakataon, inulit-ulit na naman nina Bongbong et al ang palasak nang kasabihan: “Hindi ko ipamimigay ang kahit na isang pulgadang kwadrado ng teritoryo ng Pilipinas. Na para bang hindi pa nabigyan ni Bongbong ang Amerika ng kilometro kwadrado por kilometro kwadrado ng lupain ng Pilipinas sa pamamagitan ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) upang pagdeployan ng mga tropa’t kagamitang pandigmang Amerikano.
Malinaw na ang pagkakaloob ni Bongbong ng ganun ay nakaumang sa pakikipagdigma ng Amerika sa China. Sa pagdaan ng mga araw ay mabilis na napipilitang magpakita ng sariling pandigmang kakayahan ang China dahil kung hindi, baka nga mag-isip na naman ng false flag ang Amerika, ibintang ito sa China upang pagpasimulan ng “ganting salakay” laban sa China.
Diyan tunay na nalalagay sa alanganin ang China. Hangga’t maaari, ayaw ng China ng digmaan. Bakit niya hahangarin ito gayong sa labanan sa ekonomiya ay talo na niya ang Amerika? Pero kung ganyang hihilahin nga siya ng Amerika – sa pamamagitan ni Bongbong – sa palitan na ng putok, makaiiwas pa ba siya sa giyera?
Kung kagustuhan at kagustuhan din lang ang pag-uusapan, wala ni katiting na ganun ang China. Ang lumilitaw na pakitang gilas nito sa pakikipagdigma ay ganun lang mismo – pakita lang upang mapigilan ang layunin ng sinumang bansa na digmain siya at mabawi ang pangingibabaw sa mundo na sa larangan ng ekonomiya ay matagal nang naglaho.
Pasalamat ang sangkatauhan na China ang siyang poder na nakapangingibabaw ngayon sa mundo.
Maging ang pinakapinangangambahang pagsabog ng giyera sa South China Sea ay hindi kailanman magkakatotoo kung hindi sisimulan ng China.
Pansinin ang mga ugnayang militari ng Pilipinas at Estados Unidos – ang Mutual Defense Treaty (MDT), ang Visiting Forces Agreement (VFA) at ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Lahat nang ito ay nakasalig sa ideya ng depensa – pagtatanggol sa sarili sa oras ng aktwal na pananalakay. Samakatwid, para magawa ng Estados Unidos na giyerahin ang China, kailangan munang giyerahin ng China ang Pilipinas. Sa probisyon ng MDT, sasaklolo lamang ang Amerika kung ang Pilipinas ay sinasalakay na.
E, hindi nga sasalakay ang China sa Pilipinas.
Una pa muna, wala ito sa adyenda ng China. Lalabagin ng China ang sariling pangarap para sa iisang pangmundong komunidad na may pantay-pantay na pinaghahatiang kinabukasan.
30