26.3 C
Manila
Miyerkules, Setyembre 18, 2024

Mga programa at serbisyo ng DoST, mas inilapit sa mamamayan ng Mimaropa

- Advertisement -
- Advertisement -

PORMAL na binuksan ang 2024 Mimaropa Regional Science, Technology, and Innovation Week (RSTW) sa Calapan City Convention Center nitong Mayo 7.

Pinangunahan ng Department of Science and Technology (DoST) ang gawain na may temang “Siyensa, teknolohiya, at inobasyon: Kabalikat sa matatag, maginhawa at panatag na kinabukasan.”

Tampok sa pagbubukas ng 2024 Mimaropa RSTW ay ang pag-gawad ng Mobile Modular Food Processing Facility o ang Food on-the-road Innovation and Processing Facility (FoodtrIP) sa Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro. (Larawan mula kay Joshua Sugay)

Ang aktibidad ay taunang ginagawa ng DoST sa mga rehiyon bilang bahagi ng selebrasyon ng National Science and Technology week na gaganapin ngayong Nobyembre. Layunin ng gawain na mailapit sa mga mamamayan ang mga produkto, serbisyo, at programa ng ahensiya.

Ilan sa mga tampok na gawain sa pagbubukas ng 2024 Mimaropa RSTW ay mga exhibits ng mga samahan at indibidwal na nabigyan ng tulong ng DoST, gayundin, ang forum at press conference upang mas mapalawig pa ang mensahe ng gawain.

Dinaluhan ang aktibidad ni DoST Secretary Renato Solidum Jr., DoST Undersecretary for Regional Operations Engr. Sancho Mabborang, DoST Mimaropa Regional Director Dr. Ma. Josefina Abilay, DoST Oriental Mindoro Provincial Science and Technology Officer Jesse Pine. Dinaluhan rin ito ng mga lokal na opisyal ng lalawigan sa pangunguna ni Oriental Mindoro Governor Humerlito ‘Bonz’ Dolor at Calapan City Mayor Marilou Morillo.

Binigyang diin ng naman ni Solidum ang tulong ng teknolohiya sa araw-araw na pamumuhay ng mga tao.

“Exhibits are very important so that we can make people aware, especially the local government officials that there are technologies that might address their problems,” saad ni Solidum.

Bahagi rin ng aktibidad ang paggawad ng DoST ng symbolical key para sa proyektong Mobile Modular Food Processing Facility o ang Food on-the-road Innovation and Processing Facility (FoodtrIP) sa Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro.

Ang FoodtrIP ay isang mobile facility na nakatakdang umikot sa lalawigan upang i-proseso ang mga sariwang produkto at ani upang gawing ready-to-eat products.

Sa pamamagitan nito, mababawasan ang pagkasira ng mga produkto na kadalasan ay nagiging problema ng mga nasa sektor ng agrikultura kapag hindi kaagad nailalabas ang kanilang mga produkto. Bukod dito, nakikita rin ito na isa sa maaaring maging solusyon sa kakulangan pagkain sa panahon ng mga sakuna, sa halip na mga de latang pagkain.

Ang pasilidad ay nagmula sa DoST Industrial Technology and Development Institute at ito naman ay pamamahalaan ng Oriental Mindoro Provincial Agriculture Office.

Pasasalamat naman ang ipinaabot ni Gov. Dolor sa natanggap nitong tulong mula sa ahensiya.

“With the new technology that we have, mas mae-enhance nito ang buhay ng tao, mas mapapadali yung production, mas magiging efficient yung production, it will have a very big impact sa maliliit na mga negosyante,” saad ni Dolor.

Bibisitahin din ng mga opisyales ang ilan sa mga proyekto na tinulungan ng ahensya sa Calapan, Victoria, at iba pang bayan sa unang distrito ng lalawigan. Tatagal ang RSTW ng tatlong araw mula Mayo 7 hanggang 9 sa lungsod ng Calapan at ang ikalawa naman ay mula sa 16 na rehiyon sa bansa. (JJGS/PIA Mimaropa)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -