UMABOT sa mahigit 50 pamilyang katutubong Palaw’an mula sa Sitio Maruso, Brgy. Candawaga sa bayan ng Rizal ang napagkalooban ng family food packs kamakailan mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng Food-for-Work Program.
Ang nasabing mga pamilya ay mga myembro din ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Ang food-for-work program ay naghihikayat sa komunidad na makilahok sa pagpapatupad ng community-defined project na may kaugnayan sa paghahanda sa sakuna, pagtugon, muling pagtayo at rehabilitasyon, kabilang ang hunger mitigation and food security projects kung kaya’t bago natanggap ng mga benepisyaryo ang food packs ay nakiisa ang mga ito sa paglilinis ng tabing-ilog.
Ayon sa DSWD, lubos ang pasasalamat ng mga beneficiaries sapagkat ang kanilang simpleng pagganap bilang miyembro ng komunidad ay nagiging malaking bagay dahil sa tulong na binabalik nito sa kanila.
Katuwang ng DSWD sa pamamahagi ng family food packs ang Social Welfare and Development Team Office at 4Ps Provincial Operations Office ng Palawan, lokal na pamahalaan ng Rizal, 4Ps Rizal Municipal Operations Office, Sangguniang Barangay ng Candawaga, at cluster parent leaders. Kasama rin ng DSWD ang Ayala Foundation Inc. at Zone V Camer Club upang personal na bisitahin at kumustahin ang mga katutubo sa Sitio Maruso.
Binigyang pagpupugay din ng grupo ang Pamilyang Malunes ng Brgy. Candawaga na hinirang bilang Huwarang Pantawid Pamilya noong 2023. (Orlan C. Jabagat/PIA Mimaropa – Palawan)
Mga larawan mula sa DSWD Mimaropa