PINAMAMADALI ni Senador Imee Marcos ang paglabas ng Presidential proclamation na naglalaan sa 171 ektaryang pampublikong lupain, na kilalang Lupang Arenda sa Taytay, Rizal, para sa socialized housing o pabahay sa mga mahihirap.
Halos 29 na taon na ang naklipas mula nang maipasa ang unang Presidential proclamation na naglalaan sa isang pampublikong lupain para gawing low-cost at medium-rise housing para sa mga informal settler sa loob ng Lupang Arenda at kahabaan ng Ilog Pasig.
Inihain ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, ang Senate Resolution 900 para alamin ang hindi makatwirang pagkakaantala sa pag-iisyu ng Presidential proclamation, kahit pa nakumpleto na ang trabaho ng isang Pre-Proclamation Committee noong 2018.
Pinamumunuan ng Housing at Urban Development Coordination Council (HUDCC), Department of Environment and Natural Resources (DENR). at National Housing Authority (NHA) ang naturang Pre-Proclamation Committee.
“Panahon na para tuldukan ang masalimuot na kwento ukol sa mga proklamasyon para sa pabahay ng mga informal settlers,” deklarasyon ng senadora.
Matatandaan na noong 1995, inisyu ni Pangulong Fidel Ramos ang Proclamation 704 para ilaan ang 80 ektaryang lupain para sa mga informal settler na nakatira sa kahabaan ng Pasig River at mahihirap na mga pamilyang nasa Taytay, Rizal.
Makalipas naman ang 11 taon, nag-isyu si dating Pangulong Gloria Macapagal- Arroyo ng Proclamation 1160 para sa 20 parcel ng lupa ng mga mahihirap sa Manggahan Flood Complex at sa mga walang bahay na mga empleyado ng Rizal provincial government.
Pero pagkatapos ng pananalasa ng bagyong Ondoy noong 2009, binawi naman ni Arroyo ang parehong proklamasyon sa gitna ng pangamba na makasagabal sa Ilog Napindan – isang sanga ng Ilog Pasig – at magdulot ng malalang pagbaha at pagkamatay.
Gayunman, ibinalik ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Proklamasyon 704 sa pamamagitan ng Executive Order 93 noong 2019, pero hanggang Marso 2022, 41 lamang na certificate ng land ownership ang naipamahagi sa mga informal settlers na umookupa sa 2.1 ektarya sa Lupang Arenda.
Noong Setyembre ng nakaraang taon, hindi pa nagbibigay ng pahintulot o kinakailang clearance ang DENR bago maiproklama ang buong Lupang Arenda bilang isang lugar ng pampublikong pabahay.
Binanggit naman ni Senador Marcos na ang desisyon ng San Miguel Corporation noong Marso na kanselahin ang proyektong Pasig River Expressway (PAREX) ay nakapagpabawas ng pangamba sa pagkasira ng kalikasan, pagbaha, panganib ng lindol, pagbaba ng daloy ng ilog, at pagkaantala sa kabuhayan ng “duck raisers” o mga nag-aalaga ng pato sa Napindan River.
“Libu-libong mga sambahayan ng mga informal settlers ang naghihintay sa tiyak na Presidential Proclamation hinggil sa Lupang Arenda. Ito ang magbibigay-daan sa naipangakong target ng pamahalaan na magtayo ng isang milyong bahay bawat taon,” ani Marcos.