HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) na sugpuin ang nagiging talamak na bentahan ng mga sanggol sa Facebook.
Sa isang press briefing kamakailan, iniulat ni Department of Social Welfare and Development-National Authority on Child Care (DSWD-NACC) Executive Director at DSWD Undersecretary Janella Estrada na may 20 hanggang 40 Facebook accounts silang minomonitor na bumibili at nagbebenta ng mga sanggol. Sa isang kaso, napigilan ng Philippine National Police-Women and Children Protection Center ang pagbebenta sa isang sanggol walong araw matapos isilang. Tinangkang ibenta ang naturang sanggol sa halagang P50,000 hanggang P90,000.
Ayon kay Gatchalian, dapat managot ang mga sangkot sa gawaing ito sa ilalim ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 (Republic Act No. 11862), isang batas kung saan isa siya sa mga may akda at co-sponsor noong 18th Congress.
Ipinagbabawal ng batas ang child laundering o ang pagbebenta o pagbili ng mga bata gamit ang pagpapanggap. Maituturing na child laundering ang paggamit ng mga paraan tulad ng pamemeke ng mga detalye upang palabasing ulila ang isang bata. Ipinagbabawal din ng naturang batas ang iba pang anyo ng human trafficking tulad ng online sexual abuse and exploitation of children.
“Nakakabahala na nagiging talamak ang bentahan ng mga sanggol sa social media. Kailangan nating sugpuin ang ganitong mga kalakaran lalo na’t ito’y maituturing na pang-aabuso. Nananawagan din ako sa ating mga law enforcement agencies na paigtingin ang kanilang pagsugpo sa ganitong mga iligal na gawain,” ani Gatchalian.
Pinatatatag ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 ang kakayahan ng mga law enforcers na mahuli ang mga traffickers online man o offline. Sa ilalim ng naturang batas, maaaring managot ang mga internet intermediaries kabilang ang mga social media networks kung hahayaan nilang magamit ang kanilang mga platofrm para sa trafficking.
Larawan kuha ni Mark Cayabyan/OS WIN GATCHALIAN