NOONG Hunyo 3, humanay sa langit ang anim na planeta: Jupiter, Mercury, Uranus, Mars, Neptune at Saturn. Kung maalam sa mga alamat o mitolohiya ng sinaunang Gresya at Roma, maaaring masabing sinasagisag ng mga planeta ang mga idolo ng mundo ngayon kontra sa Panginoong Diyos.
Bilang hari ng mga bathalang Griyego-Romano, puwedeng isiping si Jupiter ang simbolo ng mga bansang ibig maghari sa daigdig, gaya ng Estados Unidos (US) at mga karibal nitong China at Rusya,
Si Mercury ang mensaherong diyos ng mitolohiya at bathala rin ng yaman — isa pang iniidolo sa mundo, gaya ng paghanga ng milyun-milyon sa mga bilyonaryo. Samantala, sina Uranus at Neptune ang naghahari sa langit at dagat, at nakipagtalik si Uranus kay Gaia, ang lupa, upang sumibol ang mga halaman, hayop at ang diyosa ng romansa, si Venus. Yaman at pag-iibigan — dalawa pang ninanasa ng mundo.
Mars ang bathala ng digma, at maliwanag ang pagsamba sa kanya hindi lamang sa mga giyera sa Ukraina at Israel, kundi sa paglobo ng ginugugol ng mga bansa sa mga hukbo at armas. Pinakamataas ito sa buong kasaysayan — $2.44 trilyon sa 2023 at lalago pa, dala ng pag-aarmas ng mga bansa bunsod ng mga digma at banta ng digma.
Bathala ang Saturn ng panahon, paglikha, pagkagunaw, pagsasaka, kalayaan at pagbabago — at huli sa hanay sa himpapawid noong Hunyo 3. Sa panahon natin, mga idolo rin ang kalayaan at ang nakahihilong pagbabago lalo na sa lipunan, pamumuhay, kaalaman at teknolohiya.
Diyos kontra sa mga diyos-diyosan
Sa mga debotong Kristiyano, hindi mga diyos-diyosan ang sinasamba at pinaglilingkuran, kundi ang nag-iisang Diyos: ang Santisima Trinidad ng Ama, Anak at Espirito Santong ipinagdiwang noong Mayo 26.
At sa Hunyo, hindi anim na planetang nakahilera ang sinubaybayan ng mga Katolikong mapagdasal, kundi ang mga kapistahan ng tatlong Puso: Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Hesus sa Hunyo 7 at ang mga pista ng Kalinis-linisang Puso ni Maria sa Hunyo 8 at Dalisay na Puso ni San Jose sa Hunyo 12, ang Miyerkules matapos ang pagdiriwang ng Puso ni Hesus.
Kabaligtad at katunggali ng mga idolong sinasagisag ng anim na planeta ang mga paniniwala, pagkatao at asal na nasa tatlong Puso ng Hunyo.
Sa halip na paghahari at digmaan, paglilingkod, pagpapakumbaba, sakripisyo, kapayapaan at pagmamahal ang itinuturo at ipinamalas ng Kamahal-Mahalang Puso ni Hesus. Sa Ebanghelyong Misa sa Hunyo 7, lantad ang pagmamahal na walang hanggan ng Puso ni Kristo sa pagsibat nito sa Kalbaryo.
Sa halip ng makamundo at makasariling nasa at ugali, lubusang pagsamba at pagtanggap sa Diyos — sa puso, isip, katawan at kaluluwa — ang nasa Kalinis-linisang Puso ni Maria.
Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagtingala at pagtanggap ni Maria sa Maykapal nang pumayag siyang maging ina ng Anak ng Diyos. At tahasang tinukoy ang puso ni Maria nang isinaloob niya at pinakaingatan ang salaysay ng mga pastol noong pagsilang ni Kristo at ang pahayag ni Hesus nang mawala sa Herusalem.
Tahimik at dalisay
Hindi laging ipinagdiriwang ang Dalisay na Puso ni San Jose, subalit bilang kabiyak ng Ina ng Diyos at ama-amahan ng Anak ng Diyos, walang dudang natatangi sa lahat ng santo si San Jose, sunod sa Mahal na Birhen. At napakahalaga sa plano ng Diyos para sa katubusan natin ang busilak, tahimik at masunuring puso ni San Jose.
Sa apat na salaysay sa Ebanghelyo, tahimik si San Jose sa pagtanggap at pagtalima sa Panginoong DIyos sa halip ng sariling nais at isip. Una, sumunod siya nang walang imik o tanong sa atas ng anghel na pakasalan niya si Maria bagaman plano na niyang hiwalayan ang Mahal na Birhen matapos mabuntis nang hindi sila nagsisisiping.
Tapos, agad siyang nag-alsa-balutan patungong Ehipto sa pahayag ng anghel kahit walang siguradong kabuhayan. At nang pabalikin sa Nazaret, tumalima siya bagaman takot pa rin sa bagong hari, ang kapatid ng nasirang si Herodes na nagpapatay ng mga sanggol sa Bethlehem sa hangad paslangin si Hesus.
At nang matagpuan si Hesus sa templo ng Herusalem matapos mawala ng tatlong araw, hindi umimik si San Jose bagaman sinabi ni Maria sa binate: “Anak, bakit mo ginawa sa amin ang ganito? Tingnan mmmo, ang iyong ama at ako naghahanap s aiyo nang may pag-aalala” (Ebanghelyo ni San Lucas, 2:48).
Ito ang Dalisay na Puso ni San Jose, hindi lamang sa pangangalaga ng pagkabirhen ni Maria sa buong pagsasama nila, kundi ang pagpapailalim ng sarili sa plano, atas at kalooban ng Diyos para sa katubusan ng daigdig.
Ito ngayon ang tanong: Alin ang dapat maghari sa buhay at mundo natin — ang pananakop, pandirigma, pagpapayaman, pagpapasasa at pagkasangkapan sa dunong at teknolohiyang sinasagisag ng anim na planeta o ang pagpapakumbaba, paglilingkod, katahimikan, sakripisyo, at pagsamba, pagtanggap at pagtalima sa Diyos at pagmamahal sa kapwa na nagniningas sa mga Puso nina Hesus, Maria at Jose?
Sa pagpili natin — anim na planeta o tatlong banal na Puso — magmahal nawa tayo, hindi manakal. Amen.