30.2 C
Manila
Linggo, Setyembre 15, 2024

Ang  ‘Wimmelbooks’ at ang ‘Slice of Life’ ni Larry Alcala

PUWERA USOG PO

NOONG bata pa ako, lagi kong inaabangan ang artwork ni Larry Alcala, ang “Slice of Life,” sa mga pahina ng isang sikat na pahayagan. May supplement kasi ito tuwing Linggo at dito ko natutunghayan ang pambihirang cartoon ni Larry Alcala. Nag-uunahan kaming magkakapatid (o magpipinsan) na hanapin ang caricature ni Alcala sa kanyang artwork na halos punuin ang isang pahina ng diaryo/magasin. Kung sino ang unang makakita at makapaglagay ng bilog sa caricature ni Alcala, siya ang panalo. Karaniwang makikita ang ‘mukha’ niya sa ulap, usok, basura, puno, halaman, at iba pang dikit-dikit o masinsing drowing.

Sample ng 'Slice of Life' ng National Artist na si Larry Alcala.

Madaling magustuhan ang mga artworks na ito ni Alcala. Paano’y puno ito ng sangkatutak na detalye. Napakaraming eksena ang nangyayari sa buong artwork. Kay sarap tingnang isa-isa ang mga ginagawa ng mga tauhan. Madalas ay nakatatawa sapagkat may kaakibat na siste (humor) ang paglalarawan niya sa isang pangyayari. Yung sisteng nakapaloob dun, ‘yun ang tatak-Larry Alcala.

Kung ang eksenang naisip ni Alcala ay ang ‘kapistahan,’ asahan nang may mga eksenang nagluluto ng biko sa tulyasi, may umaakyat sa palosebo, may pumaparadang musiko, may magkukumpareng nag-iinuman, may perya, may palabas sa plasa, may nagaganap na misa sa simbahan. Kung ‘palengke’ naman ang naisip niyang paksain, makakakita ka sa drowing niya ng mga tindera ng iba’t ibang paninda, may magnanakaw na nandukot ng bag, may batang nawawala, may tinderang nandadaya sa timbangan, may mamimili na pusturyosa kahit nasa palengke lamang, at kung ano-ano pa. Pati ang facial expression ng mga tauhan ay sadyang kaaaliwan.

Isa pang naaalala ko ay ang paksa niya tungkol sa ‘simbang-gabi.’ Sa buong pahina ay makikita ang pari na nasa pulpito habang may mga nagsisimba na karamihan ay natutulog at nakanganga pa, may magkasintahan na nagde-date, may nagtitinda ng bibingka’t puto bumbong pero inaantok pa, may mga aso’t pusa na naghihintay sa itatapong pagkain. Kay sayang tingnan ang kung ano-anong ginagawa ng mga tauhan na sabay-sabay na nangyayari.

Sample ng wimmelbook art na mula sa Europa na naka-exhibit sa AFCC sa Singapore

Kamakailan ko lang nalaman na ang tawag pala sa ganitong artworks ni Larry Alcala ay ‘wimmelbooks.’ Isa pala itong dyanra (genre) ng picture books kung saan nakalahad ang serye ng mga eksenang punong-puno ng mga tao at kay raming detalyeng makikita. Gumagamit ang wimmelbooks ng madetalye at panoramic view para magkuwento. Ang ibig sabihin ng ‘wimmel’ sa salitang Aleman ay ‘to teem’ o ‘to be full of life and activity’ (to have many people and animals moving around).

Maituturing na wordless picture book ang mga wimmelbooks

 

Noong nasa Singapore ako para dumalo sa Asian Festival of Children’s Content (AFCC), ipinakita sa akin ni Carlo Pena ang maraming samples ng wimmelpictures o wimmelbooks na naka-exhibit sa National Library Singapore. Si Carlo ay isang Pilipinong resident sa Singapore at tumatayong consultant ng Singapore Book Council. “Naaalala mo pa ba ang mga artworks na ginagawa ni Larry Alcala sa mga diyaryo sa atin? Ganyan ang mga wimmelbooks! Tingnan mo ang madetalyeng drowing!”

Nang masdan ko ang mga artworks na naka-exhibit, natuwa ako sapagkat ibinalik ako nito sa aking kamusmusan, nang panahong hinahanap namin ang caricature ni Alcala sa mga drowing niya.

“Ganyan din ‘yung Where’s Waldo? series,” dagdag pa ni Carlo. “At saka ‘yung Where’s Wally series.  Patok ‘yung ganitong klase ng picture book para sa mga bata!”

Maaaring hindi malay si Alcala na wimmelbook o wimmelpicture ang tawag sa mga artworks na ginawa niya para sa “Slice of Life” column niya sa pahayagan. Maaaring nais lang niyang mailagay sa cartoon ang mga detalyeng nagaganap sa ating lipunan sa isang “full-spread drawing.” Maituturing itong isang “wordless picture book.” Hindi kailangan ng mga salita sapagkat ang mga nagaganap na eksena rito ay may mga kanya-kanyang kuwento. Bawat larawan ay puno ng tao, hayop, at mga bagay na kaaaliwan kahit ng mga maliliit na bata. Sa kaso ni Alcala, bata’t matanda ay nahahalina sa kanyang mga cartoons na sumasalamin sa ating lipunan.

Ang ganitong genre ng picture books ay popular sa Germany, Austria, Switzerland, at sa The Netherlands. Sa mga naturang bansa, ito ang mga unang aklat na binabasa ng mga bata (binabasa nila ang mga drowing). Matatagpuan ang mga ganitong babasahin sa mga lugar na pinupuntahan ng mga bata gaya ng klinika, eskuwelahan, restawran, at mga palaruan.

Nakadepende ang mga wimmelbooks sa husay ng mga ilustrasyon para mailahad ang kuwento. Dahil dito, kahit ang mga batang pre-schoolers na di pa gaanong marunong magbasa ay tiyak na magugustuhan ang mga wimmelbooks.

Sa isang panahong gaya ngayon na hirap makabasa ang mga bata, hindi kaya makatutulong ang mga wimmelbooks para muling magustuhan ng mga bata ang ‘printed page’? Sa wimmelbooks, may kakayahan ang mga batang manguna sa pagbabasa. Titingnan lang niya ang mga nagaganap na eksena sa drowing at makakabuo na siya ng sarili niyang kuwento. Maaring simpleng kuwento lamang ang magagawa niya sa simula. Pero puwedeng maging mas komplikado ang kuwento habang nagkakaedad ang bata.

Dito lalabas ang pagkamalikhain ng mga bata. Habang nag-iimbento sila ng kuwento o habang pinag-uugnay-ugnay nila ang mga larawan, gumagana ang kanilang creativity at independent thinking na lubos na makatutulong sa kanilang over-all development. Ang magiging papel ng magulang ay gabayan ang bata. Sa paanong paraan? Sa pagtuturo ng bagong mga salita na patungkol sa drawing o eksena. O sa pagpapaliwanag ng ‘cause and effect’ na nakapaloob sa isang eksena.

Marami tayong mahuhusay na ilustrador ng mga aklat pambata sa ating bansa. Maaari nilang sundan ang yapak ni Larry Alcala, na ngayo’y tinanghal ng National Artist for Visual Arts, sa paggawa ng ganitong klase ng babasahin. Tawagin man itong wimmelbook o ano man, ang mahalaga ay maengganyo nating muling tuklasin ng mga bata’t kabataan ang ganda ng printed page sa pamamagitan ng full-spread art. Isa itong magandang alternatibo sa pagkahilig nila sa gadget, youtube, at iba pang social media.

 

- Advertisement -

- Advertisement -