26.5 C
Manila
Miyerkules, Setyembre 18, 2024

Gatchalian naghain ng panukalang batas na nagbabawal sa paggamit ng smartphone at gadget sa klase

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGHAIN si Senador Win Gatchalian ng isang panukalang batas na layong ipagbawal ang paggamit ng mobile device at electronic gadgets sa oras ng klase.

Sa ilalim ng Electronic Gadget-Free Schools Act (Senate Bill No. 2706), magiging mandato sa Department of Education (DepEd) ang magbalangkas ng mga pamantayang nagbabawal sa paggamit ng mobile devices at electronic gadget sa loob ng mga paaralan sa oras ng klase. Magiging saklaw ng naturang mga pamantayan ang mga mag-aaral ng kindergarten hanggang senior high school sa mga pampubliko at pribadong paaralan. Ipagbabawal din sa mga guro ang paggamit ng mga mobile devices at electronic gadgets sa oras ng klase.

Bagama’t naniniwala si Gatchalian na mahalaga ang papel ng mga mobile devices at electronic gadgets sa edukasyon, binigyang diin niya na maaari rin silang makapinsala sa pag-aaral, lalo na kapag nakakaabala sila sa oras ng klase.

“Maliban sa pagbaba ng marka ng mga-aaral, nauugnay din ang access sa mga gadgets sa cyberbullying, kaya naman nais nating higpitan ang paggamit sa mga mobile devices at iba pang electronic gadgets, lalo na sa oras ng klase,” ani Gatchalian.

Lumabas sa resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA) na 8 sa 10 mga 15-taong-gulang na mag-aaral ang iniulat na naabala sila sa paggamit ng smartphone sa klase. Parehong bilang ng mga mag-aaral ang nagsabing naabala sila ng paggamit ng ibang mag-aaral ng smartphone sa oras ng klase. Lumalabas din sa resulta ng PISA na nauugnay ang pagkakaabala na dulot ng paggamit ng smartphone sa pagbaba ng 9.3 points sa mathematics, 12.2 points sa science, at 15.04 sa reading.

Ngunit may mga pagkakataon namang maaari pa ring gumamit ng mga smartphones at electronic gadgets. Halimbawa ng mga ito ang classroom presentation at iba pang mga gawain, mga sitwasyong may kinalaman sa kalusugan o kapakanan tulad ng mga mag-aaral na may sitwasyong pang-kalusugan at kinakailangan ng mga mobile devices, at mga pagkakataong may kinalaman sa pagpapanatili ng kaligtasan sa mga gawain sa labas ng paaralan.

Sa 2023 Global Education Monitoring Report, inirekomenda ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization ang mas mahigpit na regulasyon sa paggamit ng mobile phones sa klase. Lumabas sa naturang ulat na 13% ng mga bansa sa mundo ang may mga batas na nagbabawal o naghihigpit sa paggamit ng mobile phones sa mga paaralan, habang 14% naman ang mga may polisiya, estratehiya, o mga pamantayan para sa parehong layunin.

Larawan kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -