NILINAW ni Mayor Benjamin Magalong na panukala pa lamang ang pagpapataw ng congestion fee sa central business district (CBD) ng lungsod ng Baguio.
Ayon kay Magalong, ang P250 congestion fee ay panukala para sa Smart Urban Mobility Project kung saan, marami pang kosultasyon ang isasagawa sa mga kinauukulang stakeholders upang marinig ang kanilang mga suhestiyon at sentimyento.
“Magkakaroon pa ng series of engagement para lalong ma-explain sa tao, ano ba ang buong component niyan,” ani alkalde.
Paliwanag ng opisyal, ang mobility fee ay bahagi ng panukalang Smart Urban Mobility Project ng lungsod.
Ang Smart Urban Mobility Project ay binubuo ng limang component kabilang na ang Artificial Intelligence Traffic Management, Parking Management, Public Transport Management, Law Enforcement o non-contact apprehension, at Mobility Fee.
“Kung efficient ang public transport, may option na ‘yung mga tao natin, mga residente natin na hindi na gagamit ng kanilang pribadong sasakyan,” si Magalong.
Una nang isinumite ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) ang unsolicited proposal para sa pagpataw ng congestion fee.
Ayon sa MPTC, ang pagpataw ng congestion fee gaya ng sa Singapore, London, Stockholm, Milan, New York at iba pang bansa ay makababawas sa masikip na trapiko sa Central Business District, makababawas sa carbon emission at energy consumption, magtataguyod ng disiplina sa mga drivers at motorista at sa kita ng lokal na ekonomiya.
Sa proposal, exempted o hindi magbabayad ng congestion fee ang public transportation partikular ang mga jeepneys maging ang mga sasakyang minamaneho ng mga senior citizens, persons with disability, uniformed personnel na naka-duty, at emergency response vehicles.
Magkakaroon din ng discounted congestion fee rate sa mga taxi maging ang mga government vehicles na may naaprubahang travel order, habang ang sasakyan ng mga residente ng Baguio ay kwalikpikado para sa rebates. (DEG-PIA CAR)