28.4 C
Manila
Lunes, Setyembre 9, 2024

Palamuting mukha ng Kano sa miting nina PBBM at Zelenski

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

KONTING kirot ng katawan ang nagpamukhang luma sa topikong ito. Sa madalas na kalagayan ng inyong 83-anyos na kolumnista, ang mga mahalagang usapin ay lumilipas na hindi napagtutuunan ng pansin. Alin kung dahil ay agad nahahalinhan ng mas bagong isyu o dahil ito mismo ang nagagawa ng Amerika na pagmukhain bago nang bago.
Ang “Proyektong Myuoshu” na sa pamumuno ni Raymond Powell, dating mataas na opisyal ng US Air Force, ay siyang may pangunahing may kagagawan sa pag-igting ng tensyon sa South China Sea, ay patuloy sa kanyang pagsisikap na pasabugin ang giyera sa pagitan ng China at Pilipinas, na umaaktong bilang proxy ng Amerika. Pansinin na madalas ikawing ng propaganda ni Powell ang giyera sa Ukraine sa sigalot ng China at Pilipinas. Kung paanong nagawa ng mga paghahanda ng Amerika ang pagsabog ng giyera sa Ukraine, ganun ding nakaplano na pasasabugin naman ang giyera sa South China Sea. Kapuna-puna na samantalang kinakikitaan ang Pilipinas ng kapuri-puring pagpipigil sa paggamit ng karahasan sa labanan sa South China Sea, walang hinto naman si PBBM sa paulit-ulit na pagbabanta na isang-isang buhay Pilipino lamang ang masawi sa mga karahasang gawa ng China tulad ng panganganyon ng tubig, iyun ay kanyang ituturing na “kilos pakikipagdigma” at samakatwid sa ilalim ng Mutual Defense Treaty sa pagitan ng US at Pilipinas ay humihingi ng kaukulang hakbang.

Diretsahin na ang salita. Ibig sabihin, giyera!

Sa mga nagdaang kolum, pinunto ko na ang mga kaganapan sa South China Sea ay tila taliwas sa mga nakasanayang pahiwatig na magkakatotoo ang pinangangambahang giyera ng China at Pilipinas. Kitang-kita ang mga paghahanda, tulad ng mga ehersisyong pandigma na linalahukan ng libu-libong kasundaluhan at mga barkong pandigma ng Pilipinas at Amerika, kasama ng ganun ding mga tropa at kagamitang pandigma ng kanilang mga kaalyadong United Kingdom, Australia, Canada, Alemanya, Japan at South Korea.

Idagdag mo pa rito ang pagrabe nang pagrabe na gitgitan ng Pilipinas at China sa mga pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea at tila nga hindi na ipagkakamali ang tuluyan nang pagsambulat ng alitan sa karagatan ng Asean sa isang dumadagundong na putukan.

Ang problema hindi ganyan mag-isip ang mga tunay na mandirigma. Sabi nga ni Sun Tzu, “Gawin mo ang iyong mga plano na kasindilim ng gabi. At oras na kumilos ka, bumulaga na parang kulog.”


Sa mga nangyayaring pasiklaban ngayon ng China at Pilipinas – na walang pagsisikap ni anoman na itago ang mga palatandaan ng giyera – nakapagdududa na totoong giyera nga ang tinutungo.

Maging kasing dilim ng gabi, bumulaga na parang kulog.

Noong nakaraang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, isang klasikong pagpapatunay sa atas na ito ng pakikipagdigma ay ang Operation Overlord. Kinailangang palayain na ang Pransiya mula sa mga Nazi. Ipinakita ng mga paghahanda ng mga Alyado na ang kanilang pag-atake ay sa Pas de Calais, ang pinakamalapit na bahagi ng Pransya mula sa Inglatera patawid ng English Channel. Sa loob ng mahabang panahon, ipinakita ng mga Alyado na ang kanilang pagbawi sa Pransya ay gagawin nga sa pamamagitan ng Pas de Calais. Ang mga paghahanda ay kinabibilangan ng mga pagkilos ng mga tropang alyado, mga kagamitan sa pandigma, mga barko’t mga nasasandatahang mga sasakyang pangkatihan. Mga mensahe sa radyo na nagdedetalye ng mga kilos militar ng mga alyado ay sadyang kinatha, ibinrodcast na layuning ipasalabat sa mga Aleman.

Ang paniniwala ng mga Aleman na ang pagsalakay ng Alyado para sa pagpapalaya ng Pransya ay magaganap sa Pas de Calais ay tumigas nang tumigas upang ang mga paghahanda ng Nazi na salagin ito ay buong pwersa ngang ibinuhos sa bahaging iyun ng Pransya.

- Advertisement -

Kaya ganun na lang ang kawalan ng Nazi ng kahanda na sanggahin ang kontra salakay ng Alyado nang noong Hunyo 6, 1944 ito ay naganap hindi sa Pas de Calais kundi sa Normandy, Pransya. Bukod sa 5 assault division ng amphibious naval forces ng Alyado, sumanib sa pagsalakay ang libong paratroopers na nagpadilim sa kalangitan ng Normandy. Ang pangitain ng mga troopers na walang-wala sa inaasahan ng mga Nazi ang sa katunayan siyang naging simbolo ng mula sa araw na iyun ay ang muling pagpapalaya sa Pransya na nakilalang D-Day.

Mula sa araw na iyun, paatras na nang paatras ang naging kilos ng Nazi pabalik sa Germany. At noong Hulyo 26, 1945 nilagdaan ang Potsdam Declaration na nagwawakas sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ang tanong ngayon, sa mga kaganapan sa South China Sea, ano ang maaaring ihalintulad sa Operation Overlord, ang tagong adyenda ng Amerika? Nakaaaliw ang dueto nina Ukrainian President Volodymyr Zelinsky at Philippine President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Halatang-halata mong awit na bukod sa disintunado at pilipit ay pilit ikinakasa sa ideya ng “mga bansang” kailangang makipaglaban sa mga “mana ako”. Kung ang Ukraine laban sa “mananakop” na Rusya, dito sa Indo-Pacifico, ang Pilipinas laban sa mananakop na China.

Subalit, katulad nga ng ipinakita ng Operation Overlord noong WWII, hindi litaw ang totoong balakin ng Amerika na maaaring magdulot ng tunay na kapariwaraan ng Pilipinas.

Kaingat, bayan ko.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -