MAHIGIT 500 volunteers mula sa LGU, mga partner agencies, at mga pribadong kumpanya ang nagtipon-tipon para sa simultaneous cleanup activity sa ilalim ng kampanyang “Dengue, ‘Di Pwede!” upang palakasin ang laban kontra dengue sa lungsod.
Nangalap sila ng mahigit 110 sacks ng solid waste mula sa mga kalsada, kanal, at ilog sa buong lungsod.
Nagbigay din ng lecture ang mga kawani mula sa City Health Department bago magsimula ang cleanup activity upang magbigay ng impormasyon kung paano maiiwasan ang dengue at ano ang dapat gawin kung sakaling magkasakit.
Nag-sign up ang mga volunteers sa ilalim ng Make Your City Proud (MYCP) campaign, isang programa ng pamahalaang lungsod na hinihikayat ang mga miyembro ng komunidad na makilahok sa iba’t ibang aktibidad. Kapag sila ay nag-sign up at nag-volunteer, maaari silang makakuha ng mga puntos na maaaring ipalit sa mga produkto at serbisyo mula sa mga partner merchants.
Binibigyang-diin ni Mayor Ruffy Biazon ang mahalagang papel ng pakikilahok ng komunidad sa pagpapanatili ng malinis na kapaligiran. “Ang pakikilahok ng komunidad sa mga ganitong cleanup activities ay napakahalaga upang mapangalagaan ang ating mga pamilya laban sa dengue. Sama-sama nating gawing mas malinis at ligtas ang Muntinlupa,” aniya.