NAIS ni Senador Win Gatchalian na imbestigahan ang paglaganap ng mga pekeng birth certificate na nagbibigay-daan para sa mga masasamang indibidwal kabilang ang mga dayuhan na makakuha ng pagkakakilanlan na galing sa gobyerno, makaiwas sa mga batas ng immigration, at gumawa ng mga krimen.
“Maaaring mga sindikato ang nasa likod ng paglaganap ng mga pekeng birth certificate gayundin ang maliwanag na pag-abuso sa late birth registration system,” sabi ni Gatchalian, na naghain ng Senate Resolution 1053.
Ang resolusyon ni Gatchalian ay kasunod ng pagkakadiskubre ng mga inconsistency sa birth certificate ni Bamban Mayor Alice Guo, lalo na ang kawalan ng mga talaan ng gobyerno na nagpapatunay sa pagkakaroon ng isang Amelia Leal, ang pinangalanang ina sa birth certificate ni Guo. Sa pagsisiyasat ng Senado, lumabas na walang birth o marriage certificate si Amelia Leal.
Iniuugnay si Guo sa mga operasyon ng isang POGO hub sa Bamban, na kamakailan ay ni-raid ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) dahil sa mga kaso ng human trafficking at serious illegal detention.
Ipinunto ni Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Ways and Means, na ang mga pagsisiyasat na isinagawa ng Department of Foreign Affairs (DFA), Bureau of Immigration (BI), at Philippine Statistics Authority (PSA) ay nagbigay-liwanag sa nakababahala na paglaganap ng mga peke o kahina-hinalang birth certificates na ginagamit ng ilang dayuhan para lang makakuha ng pagkakakilanlan galing sa pamahalaan at maiwasan ang mga batas sa imigrasyon ng bansa.
Sa deliberasyon ng Senado noon para sa 2024 budget ng PSA, ibinunyag ng ahensya na hindi bababa sa 308 pekeng birth certificates ang ginamit para sa aplikasyon ng Philippine passports mula Enero hanggang Setyembre noong nakaraang taon, aniya. Anim sa mga birth certificate na ito ay pag-aari ng mga dayuhang nauna nang nabigyan ng Philippine passport.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng PSA ang patuloy na paglaganap ng mga pekeng birth certificate, kabilang ang humigit-kumulang 300 insidente na kinasasangkutan ng mga Pilipino at 65 kaso na kinasasangkutan ng mga dayuhan, pagbubunyag ng senador. Sa kabilang banda, pinigilan ng DFA ang mahigit isang daang pagtatangka ng mga dayuhan na makakuha ng Philippine passport gamit ang mga pekeng dokumento, kung saan may 55 na mga aktibong kaso na isinangguni sa mga law enforcement agency. Ayon sa DFA, ang mga dayuhang ito ay nagpapanggap bilang mga Pilipino sa pamamagitan ng pagpapakita ng authentic at genuine PSA-issued birth certificates, kasama ang valid government-issued ID.
Sa bahagi naman ng BI, nagpahayag ito ng pagkaalarma sa mga insidente na kinasasangkutan ng mga overstaying na dayuhan upang makakuha ng mga dokumento ng Pilipinas at umiwas sa inspeksyon ng imigrasyon, sabi ni Gatchalian.