REHISTRADO na sa Philippine Identification System (PhilSys) ang aabot sa 249,321 Romblomanon mula nang ilunsad ang registration para sa National ID noong Hunyo 2021.
Ayon sa inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority (PSA)-Romblon, hanggang Hunyo 15 ay tuloy-tuloy ang mga nagpaparehistro sa kanilang opisina para sa PhilSys Step 2 Registration.
Pinakamaraming nakapagrehistro sa PhilSys ay sa bayan ng Odiongan at sa Romblon na may 39,323 at 34,323 na katao.
Samantala, maliban sa mga Romblomanon, may 45 residente mula sa ibang probinsya ang nagparehistro sa PhilSys sa pamamagitan ng PSA Romblon.
Ang PhilSys Step 2 registration ay ang pag-validate ng mga supporting documents at ang pagkuha ng biometric details tulad ng iris scan, fingerprints, at front-facing photograph ng bawat tao sa mga Registration Centers. (PJF/PIA MIMAROPA-Romblon)