MAS lalo pang pinaigting ng Provincial Department of Health Office (PDOHO) ang pangangalaga sa kapakanang pangkalusugan ng mga senior citizens at persons with disabilities (PWDs) sa lalawigan ng Marinduque.
Sa pamamagitan ng pagsasanay na may titulong “Advocacy in Promoting Health and Well-Being of PWD and Elderly Orientation on Community Based Rehabilitation for Public Managers,” pinagsama-sama ng ahensya ang mga doktor, nars at iba pang kawani ng anim na Municipal Health Offices (MHO) sa probinsya.
Ayon kay Dr. Rachel Rowena Garcia, hepe ng PDOHO, ang aktibidad ay naglalayong magbigay ng kaalaman at kasanayan sa mga empleyado ng MHO tungkol sa kahalagahan ng physical exercise at pagkakaroon ng programang susuporta sa physical therapy ng mga senior citizens at PWDs sa komunidad at upang mapalakas ang community-based rehabilitation sa mga munisipalidad.
Ibinahagi naman ni Lorena Deloria, isang physical therapist mula sa DoH, ang kahalagahan ng kalusugan at kapakanan ng mga PWD at matatanda, at kung paano ang pisikal na therapy ay maaaring magdulot ng positibong epekto sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Samantala, upang higit na maipakita ang praktikal na aplikasyon ng kanilang natutunan, nagkaroon ng workshop para makabuo ng mga konkretong programa sa mga lolo, lola at may kapansanan na inaasahang magagamit ng mga barangay health workers (BHWs) sa pagtataguyod ng programang pangrehabilitasyon, pagpapataas ng dignidad at inklusyon sa lipunan ng naturang mga sektor. (RAMJR/PIA MIMAROPA-Marinduque)