SA mga nakaraang linggo, tinalakay sa kolum na ito ang pagsusuri ng iba’t ibang mukha ng katatagan ng ekonomiya. Sinuri natin ang epekto ng mga problema ng desempleyo at inflation sa paglaki ng ekonomiya. Ngayon ay tatalakayin natin ang fiscal deficit, isa pang problemang nagpapahina sa katatagan ng isang ekonomiya.
Ang fiscal deficit ay ang kakulangan ng kita ng pamahalaan upang tustusan ang mga gugulin nito. Ang kita ay kadalasan ay ipinakikita sa buwis nalilikom ng pamahalaan ngunit may iba pang kita ang pamahalaan samantalang ang gugulin ay mga pondong inilalaan ng pamahalaan sa iba’t ibang serbisyong pampubliko, tulong, at pagbabayad ng interes sa utang. Mula 2015 hanggang 2021 nagtala ng budget deficit ang pamahalaan. Noong 2021 ang deficit ay umabot sa P1.67 trilyon ayon sa Bureau of Treasury (BoT).
Ang fiscal deficit ay isang palatandaan ng kahinaan ng katatagan ng ekonomiya dahil nauuwi ito sa labis na kabuoang demand kung ihahambing sa kabuoang suplay. Kadalasan, ang fiscal deficit ay tinutustusan sa pamamagitan ng dalawang pamamaraan. Una, ang pagpapalawak ng suplay ng salapi upang magamit na pondo upang tustusan ang mga gugulin ng pamahalaan. Ang ikalawa, ang pangungutang sa loob at labas ng bansa. Ang pagpapalawak ng suplay ng salapi ay kadalasan ay nauuwi sa pagtaas ng mga presyo ng mga panunahing bilihin o inflation dahil ang dagdag na salaping hinahawakan ng mga mamamayan ay nagpapataas sa kanilang kakayahang makabili ng mga produkto at serbisyo ngunit hindi naman agarang natutugunan ng paglaki ng kabuoang suplay. Tinalakay na natin ang epekto ng inflation sa paglaki ng ekonomiya sa nakaraang kolum.
Kung mangungutang naman ang gagawin ng pamahalaan sa pagpopondo ng fiscal deficit, may dalawang opsyon na maaaring tahakin. Una, maaaring mangutang ang pamahalaan sa loob ng bansa. Ayon sa BoT noong 2021 nangutang ang pamahalaan ng PH 2 trilyon sa loob ng bansa. Halos P90 bilyon nito ay ipinambayad sa principal sa mga naunang utang ng pamahalaan. Ang alternatibong ito ay maaaring magpataas ng interest rate dahil nakikipagtunggali ang pamahalaan sa pribadong sector sa pangungutang ng pondo sa bilihan ng salapi. Ang problemang ito ay tinatawag na crowding out effect o ang epekto ng pagsisiksikan na pumapatid sa pribadong sector sa pangungutang ng pondo. Ang pagtaas ng interest rate ay magpapabagal sa iba’t ibang uri ng gugulin sa ekonomiya dahil tumataas ang presyo ng salapi na nagpapabagal din sa paglaking ekonomiko sa hinaharap.
Kung mangungutang naman ang pamahalaan sa ibang bansa ay maaari itong isagawa sa pamamagitan ng pagbebenta ng bonds or panagot sa bilihang internasyonal. Ayon sa BoT noong 2021 nangutang ang pamahalaan sa ibang bansa ng halagang P568.7 bilyon at halos 42% nito ay ipinambayad sa principal ng mga naunang utang. Kahit walang epekto sa interest rate sa loob ng bansa, ang problema sa alternatibong ito ay ang pagbabayad ng pamahalaan sa interes at principal ng inutang. Ito ay mababayaran ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapataas ng buwis at pangungutang muli. Kaya’t kung titignan ang budget ng pamahalaan malaking bahagi nito ay inilalaan sa pagbabayad ng interes na mga naunang utang. Ayon sa BoT noong 2021 halos 9.18% ng gugulin ng pamahalaan ay inilaan sa pagbabayad ng interes. Ang alternatibong ito ay maaaring mauwi sa pagtaas ng buwis at paglobo ng kabuoang utang ng pamahalaan sa hinaharap. Ito ay nagpapabagal din sa paglaking ekonomiko dahil sa pagbagal ng kabuoang demand sa ekonomiya.
Bakit tinatanggap ng pamahalaan ang makaranas ng fiscal deficit gayong napakalaki ng mga sakripisyo nito sa ekonomiya? Maraming dahilan ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mapagpalawak ng patakarang fiscal na nauuwi sa fiscal deficit.
Una, nais ng pamahalaan na mapasigla ang ekonomiya.Tinatakay na natin ito sa problema ng desempleyo. Noong panahon ng Great Depression nagpatupad ang pamahalaan ni Pangulong Franklin Roosevelt ng Estados Unidos ng mapagpalawak na patakarang fiscal upang mapasigla ang matamlay na demand mula sa mga mamamayan, negosyo at ibang bansa. Samantala, ang kita ng mga nabigyan ng pansamantalang trabaho ay ginamit sa pagpapataas ng pagkonsumo na nagpasigla din sa matamlay na lagay ng ekonomiya.
Ikalawa, upang maging magpagpantay ang pagsulong ng ekonomiya. Ang layuning ito ay hindi nakatuon sa pagpapalawak ng kapasidad o demand sa ekonomiya ngunit sa pagiging mapagpantay ang pagsulong ng ekonomiya sa mga mamamayan nito. Kadalasan, ang fiscal deficit ay nakaugat sa pagbibigay ng tulong o sabsidi sa mga kapos at nangangailangang mamamayan. Noong panahon ng Covid-19, ang ating pamahalaan ay nagtala ng malaking fiscal deficit dahil binigyan ng tulong ang mga mamamayang nawalan ng trabaho at mga matatandang kapos o walang tinatanggap na kita.
Ikatlo, upang makapagbayad ng obligasyon sa mga inutang sa nakaaran. Ang fiscal deficit ay bunga ng napakalaking bayad sa interes at principal sa mga naunang utang ng pamahalaan. Ayon sa BoT noong 2021 halos P429.4 bilyon sa budget ng pamahalaan ay inilaan sa pagbabayad ng interes sa utang. Kahit ang deficit ay P1.67 trilyon lamang, nangutang ang pamahalaan ng halos P2.579 trilyon dahil P327.2 bilyon nito ay pambayad sa principal.
Batay sa mga dahilang ito, mahirap sisihin ang pamahalaan sa pagtataguyod na mapasigla ang ekonomiya, maging mapagpantay ang pagsulong nito at maging responsable sa pagbabayad ng utang na nauuwi sa fiscal deficit. Mabuti at may nagpapautang sa atin. May ilang bansa na nahihirapan sa pangungutang kaya’t ang kanilang alternatibo ay palawakin ang suplay ng salapi na uuwi sa lalong malalang problema ng inflation.