26 C
Manila
Martes, Oktubre 8, 2024

Cayetano, tutok sa review ng New Senate Building sa kabila ng ethics complaint

- Advertisement -
- Advertisement -

MANANATILING nakatutok si Senador Alan Peter Cayetano sa pagbuo ng isang makatotohanan at independent na pagsusuri sa New Senate Building (NSB) sa kabila ng ethics complaint na isinampa laban sa kanya ni Senadora Nancy Binay.

“Eyes on the ball tayong lahat. Ang ginagawa ni Senator Nancy Binay from the start, nililito tayong lahat, eh,” wika ni Cayetano sa isang panayam sa media nitong Lunes, July 8, 2024.

Ito’y matapos magsampa ng pormal na ethics complaint si Binay laban kay Cayetano dahil sa umano’y hindi nararapat na asal nito sa huling bahagi ng unang pagdinig sa isyu ng Committee on Accounts noong July 3, 2024.

Bilang tagapangulo ng komite, binigyang-diin ni Cayetano na handa siyang harapin ang reklamo ngunit mananatiling nakatuon sa mas mahalagang isyu ng tumataas na gastos ng proyekto ng gusali.

“Ang issue ay y’ung P23 billion. Ano ba ang mas importante sa tao: ang tingin niya sa akin at ano ang tingin ko sa kanya? Or kung ano talaga ang nangyayari diyan sa building?” wika niya.

Pinuna rin ni Cayetano si Binay dahil sa bilis nitong pagsasampa ng ethical complaint gayong hindi ito nagsagawa ng masusing pagsusuri sa proyekto noong siya namuno sa Accounts Committee ng Senado sa loob ng dalawang taon.

“For 15 months, hindi gumalaw sa mesa mo [ang mga dokumento]. Isang taon at tatlong buwan na [ang lumipas pero] hindi ninyo kayang tingnan kung magkano ang ginagastos na para sa building?” wika ni Cayetano.

Binigyang-diin niya ang kanyang tungkulin na tiyakin ang isang masusi at makatotohanang pagsusuri ng proyekto upang magawa ang “iconic at functional” na gusali sa mataas na kalidad at tamang halaga.

“Sa akin napunta [itong project], eh. Kaya ire-recommend ko talaga sa 24 senators na ayusin natin ang tamang pondo,” wika niya.

“Ako, gusto kong ilabas ang tamang pondo kasi kung hindi, we will not get to the conclusion kung magkano ba talaga,” dagdag niya.

Inihayag din niya ang kanyang alalahanin tungkol sa ibang bahagi ng proyekto na sa tingin niya ay sobra ang gastos. Aniya, mas mainam na ilaan ang pondo nito sa iba pang mga proyekto tulad ng mga silid-aralan.

“‘Yang facade na ‘yan na P1.6 billion, ‘yang broadcast at security systems na ‘pag pinagsama mo ay P2 billion, at ‘yang landscape na P663 million, hindi pwede sa akin ‘yan,” wika niya.

Nang tanungin kung paano maaaring ayusin ang hindi pagkakaunawaan nila ni Binay upang mapanatili ang pag-usad ng proyekto, iminungkahi ni Cayetano na manatali lang sila sa isyu at pag-usapan ito nang kalmado at makatotohanan.

“She can correct it anytime. Senator Nancy, linawin na lang natin itong lahat [nang] mahinahon, sa tama,” wika niya.

“Himayin natin ‘yang P23 billion na ‘yan o kung tingin niya P21.7 billion [lang] nang mahinahon at sundin natin ang tamang rules at ilabas natin ang tama, then mag-desisyon tayo [kung] paano matatapos ang building at kung ano ang tamang presyo nu’ng building,” dagdag niya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -