SA Pilipinas, makailang ulit nag-standing ovation ang mga panauhin sa Batasang Pambansa para kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. habang inihahayag nya ang kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ngunit kabaligtaran ang naganap sa Amerika kung saan nagkaroon ng programang puno ng hindi magagandang pahayag patungkol sa Pangulo at kay Unang Ginang Liza Araneta-Marcos.
Higit sa pambabatikos at negatibong pahayag ukol sa mga Marcos, naging pang finale sa naturang programa ang video ng isang lalaking nagdodroga, na umano, ay walang iba, kundi ang Pangulo.
Sa ulat ng Frontline Pilipinas ng News5, ipinalabas nito ang video ni dating spokesman Atty. Harry Roque na nagpapakita ng kasiyahan ng mga dumalo sa tinaguriang Maisog rally sa Los Angeles, California habang pinapanood ang video ng lalaking nagdodroga.
Nagkasiyahan, nagsayawan at sumisigaw ang mga dumalo ng “Marcos resign” habang ipinalalabas ang video ng lalaki.
Pawang mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte ang mga dumalo na kinabibilangan ng mga myembro ng Hakbang ng Maisog International, Kingdom of Jesus Christ ni Pastor Apollo Quiboloy, Atty. Roque, dating Biliran Congressman Atty. Glenn Chong at iba pa.
Matapang o palaban ang ibig sabihin ng salitang ‘maisug’ sa Bisaya.
Sa Youtube Live ng Pilipinas Nating Mahal, sa bandang unahan ng programa, tinawag na “bangag” ng ipinakilalang organizer ng programa na si ‘Modern Dragon’ na kilala rin sa tawag na ‘Maharlika’ si Pangulong Marcos samantalang “national problem” naman ang ibinansag ni Chong sa Unang Ginang.
Sa isang recorded message naman na ipinakita sa naturang event sa US, sinabi ni dating Executive Sec. Atty. Vic Rodriguez na dinala ng kasalukuyang administrasyon ang Pilipinas sa bingit ng digmaan sa China.
Papag-initin, aniya, ni Marcos ang sitwasyon sa pag-aagawan ng teritoryo nang sa gayon, maideklara nitong hindi na ituloy ang eleksyon sa susunod na halalan. Taliwas ito sa polisiyang inianunsyo ng Pangulo sa kanyang SONA kung saan sinabi nyang diplomasya ang paiiralin sa West Philippine Sea.
Bagama’t maaanghang ang mga binitawang salita, hindi iyon ang highlight ng programa. Bagama’t hindi inilabas ng Pilipinas Nating Mahal ang video ng lalaking nagdodroga, nakita naman ito sa ibang post sa social media, gaya ng mga napabalita sa telebisyon.
“Deepfake” umano ang naturang video, ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy, base sa ulat ng The Manila Times.
Pumapatungkol ang ‘deepfake’ sa mga edited na materyales upang manipulahin o pekein ang itsura o boses ng isang tao para pagmukhain siyang gumawa nito kahit hindi naman ito nangyari.
Mahigpit na pinabulaanan ni Department of Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na si Pangulong Marcos ang nasa naturang video.
Sa isang press conference sa Camp Crame, pinansin ni Abalos na sa tenga pa lamang ng nasa video, hindi ito ang Pangulo.
“I’m asking our chief PNP, General (Rommel) Marbil, together with General (Matthew) Baccay and, of course, (PNP Anti-Cybercrime Group chief) Gen. (Ronnie) Cariaga to immediately create a task force to probe this issue. We will definitely investigate this thoroughly,” ayon kay Abalos sa isang press briefing sa Camp Crame.
Sa post ni Abalos sa kanyang Facebook page, sinabi niya na “Gumawa kami ng isang team, trinabaho rin po ng aming cyber crime, ang tungkol po sa video na kumakalat, allegedly, ng ating Pangulo raw.
Ito lang po ang masasabi ko sa ating mga kababayan — lagi kayong maging mapanuri hindi dahil ito ay sinasabi ng isang blogger, o sinasabi ng ma-impluwensyong tao, ay basta na lang tayo maniniwala. Maging mapanuri, marami pong fake news ang lumalabas ngayon.”
Samantala, sinabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro, Jr. halatang pineke ang video, isang malisyosong pagtatangka na guluhin ang administrasyong Marcos.
Aniya, isang duwag na pagtatangka ito dahil sa US ito ipinalabas upang makaiwas sa kriminal na kaso dito sa Pilipinas.
Nanawagan din si Secretary Teodoro sa mga awtoridad sa US na imbestigahan at makasuhan ang mga may gawa nito.
Ayon kay DICT Secretary Uy, maaaring maharap sa kasong cyber libel, slander at malicious mischief ang mga may gawa nito.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nabiktima si Pangulong Marcos ng ‘deepfake video.” Nitong nakaraang Abril, isang deepfake audio naman ang ginamit upang palabasing ipinag-utos ng Pangulo na magsagawa ng agresibong aksyonlaban sa isang bansa, na kumalat sa social media.
Dagdag pa ni Uy, asahan na ng publiko na marami pang deepfake video ang lalabas Lalo pa’t nalalapit na ang eleksyon.