BAGAMA’T kasama siya sa naapektuhan ng mga bahang dulot ng Bagyong Carina at ng habagat, nagsagawa ng relief operations si Sen. Robinhood “Robin” Padilla sa Maynila nitong Sabado.
Pinuntahan ni Padilla at ilang myembro ng kanyang Senate staff ang mga Muslim sa Baseco Compound sa ika-5 distrito ng Maynila para mamahagi ng bigas at pagkain.
Ang asawa naman ni Padilla na si Mariel Rodriguez-Padilla ay tumungo sa Marikina City para magdala rin ng pagkain at tulong pang-medikal.
“Hindi ako kailanman napagod sa relief operation. Ngayon lang kung kailan kumpleto pa ako sa staff. Noon kahit mag isa ako nakakabuo ako ng grupo kung saan ang ganap ng hagupit ng panahon at kalikasan,” ayon sa senador.
[https://www.facebook.com/ROBINPADILLA.OFFICIAL/videos/465941229533919/]
Aniya, noong sumabog ang Mt. Pinatubo noong 1991, siya at ang pamilya at kaibigan ay sumugod sa Pampanga at Zambales. Ganoon din sila sa mga bagyo sa Visayas at Mindanao.
“Nagagawa ko ang imposible dahil sa tulong at kabayanihan ng mga taong nais magmalasakit at tumulong sa kapwa,” aniya.
Nakiramay din si Padilla at ang kanyang pamilya “sa pamilya ng lahat ng mga nagbuwis ng buhay sa hagupit at pananalasa ng bagyong Carina.”
Dagdag niya, kasama sa naapektuhan ng bagyo ang Museo de Padilla na halos 20 taon na ang rehabilitasyon. Aniya, 80 porsyento na sana ang natatapos nang nagtamo ng pinsala ang museo.