27.6 C
Manila
Biyernes, Enero 17, 2025

School opening: Gatchalian pinatitiyak ang epektibong pagpapatupad ng Matatag curriculum

- Advertisement -
- Advertisement -

SA gitna ng pagbubukas ng klase para sa School Year 2024-2025, hinihimok ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na tiyakin ang epektibong pagpapaptupad ng Matatag Curriculum, kabilang ang kahandaan ng mga guro at ang pagkakaroon ng mga dekalidad na learning materials.

Muling iginiit ni Gatchalian ang pagkakaroon ng ugnayan sa pagitan ng MATATAG curriculum at pre-service training o ang pagtuturo sa mga guro sa kolehiyo. Upang mangyari ito, kinakailangang tiyaking nagagampanan ng pinatatag na Teacher Education Council (TEC) ang mandato nito. Sa ilalim ng Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713), mandato sa TEC na iangat ang kalidad ng mga programa para sa teacher education at magtalaga ng mga pamantayan para sa mga teacher education programs.

“Matagal nating hinintay ang paglunsad ng Matatag curriculum at ngayong sisimulan na natin ang pagpapatupad nito, mahalagang ibigay natin sa ating mga guro ang suportang kinakailangan nila,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

Matatandaang inihain din ni Gatchalian ang Proposed Senate Resolution No. 972 upang repasuhin ang pagbili ng DepEd ng mga textbooks at learnings materials. Kasunod ito ng lumabas na ulat ng Second Congressional Commission on Education (EdCom II), kung saan iniulat na 27 lamang sa 90 na kinakailangang textbooks para sa Grade 1 hanggang Grade 10 ang nabili ng DepEd simula 2013. Lumabas din sa ulat ng EdCom na mga mag-aaral lang ng Grade 5 hanggang Grade 6 ang may kumpletong set ng mga textbook para sa lahat ng mga subject.

Tiniyak dati ng DepEd ang delivery ng 80% ng mga textbook para sa Grade 1, 4, at 7 pagdating ng Hulyo 2024.

Sa ilalim ng budget ngayong taon, mahigit P700 milyon ang nilaan para sa in-service training ng mga guro sa pampublikong mga paaralan, mga administrador, at ibang mga kawani. Upang suportahan ang pagpapatupad ng Matatag curriculum, bahagi ng naturang budget ang mga professional development programs para sa training ng mga guro mula Kindergarten hanggang Grade 10.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -