NAPUNO ng pag-asa at kaluwagan ang libo-libong tao sa SOCCSKSARGEN Region sa pagdala ng tulong ng tanggapan nina Senador Alan Peter at Pia Cayetano sa mga lalawigan ng Sarangani at South Cotabato mula July 16 hanggang 26, 2024.
Umabot sa di bababa sa 10,000 ang bilang ng mga indibidwal na nakinabang sa tulong na ibinigay ng Cayetano team para sa mga magsasaka, mangingisda, persons with disabilities (PWD), women’s groups, solo parents, at kabataan.
Ipinamahagi ito sa mga munisipalidad ng Alabel, Malapatan, Malungon, Maitum, Kiamba, at Glan sa Sarangani, at sa Surallah, South Cotabato.
Isa si Richel Nacion Buday sa nakatanggap ng tulong sa Alabel at nagbahagi ng kanyang taos-pusong pasasalamat.
“Malaking tulong ito sa amin na galing kila Senador Pia at Alan Peter Cayetano. Barangay official ang husband ko. Malaking tulong ang natanggap namin pambili ng gamit ng mga bata [para sa darating na pasukan],” wika ni Buday habang ginaganap ang pamamahagi ng tulong sa Alabel Municipal Gymnasium noong July 16, 2024.
Maluha-luha namang nagkwento ng pasasalamat ang health worker na si Connie Odron mula South Cotabato.
“Minsan medyo pagod lang, pero kailangan magsikap para sa pang-araw araw… Gagamitin ko ito pang bayad ng check-up at pang gamot,” ibinahagi ni Odron na health worker ng 8 taon habang nasa Surallah Municipal Gym noong July 23, 2024.
Mas marami pang mga Sarangan – na aabot sa 1,600 – ang mabibigyan ng tulong sa Lunes, July 29, sa munisipalidad ng Maasim.
Naging posible ang lahat ng ito sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng kanilang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Program, sa tulong ni DSWD 12 Regional Director Loreto Cabaya.
Malaki din ang ginampanan nina dating You Against Corruption and Poverty (YACAP) Partylist (ngayon ay LUNAS) Representative Carol Lopez, kasama ang mga lokal na pinuno tulad nina Malapatan Mayor Salway “Jun” Sumbo Jr., Malungon Councilor Zusima Del Rosario, Kiamba Mayor George Falgui, at Surallah Mayor Pedro “Cano” sa pagtitiyak na makakaabot sa mga lubos na nangangailangan ang tulong ng mga senador.
Isa ang sektor ng solo parents sa mga target beneficiaries nina Senador Pia Cayetano at Rep. Carol Lopez, na malaki ang ginampanan sa pagsasabatas ng Solo Parents Act noong 2000. Sa ngayon, hindi bababa sa 15 milyong indibidwal, na karamihan ay kababaihan, ang nakikinabang dito.
Sa kanilang pinagsama-samang pagsisikap, hindi lamang nagbigay ng mahalagang suporta sina Senador Alan Peter at Pia Cayetano kundi muling nagpasiklab ng pag-asa at katatagan sa loob ng mga komunidad ng SOCCSKSARGEN.