PORMAL na inilunsad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang tema ng Buwan ng Wikang Pambansa 2024 at mga kaakibat na programa, aktibidad, at proyekto nito sa isinagawang press conference katuwang ang Philippine Information Agency.
Ayon kay Komisyoner Benjamin Mendillo Jr., PhD, “Nakaangkla ang tema sa kakayahan ng wikang Filipino bilang instrumentong makapaglaya mula sa iba’t ibang suliranin mayroon ang isang tao, komunidad, at bansa. Sa gramatikang Filipino, ang panlaping-unlaping “Mapag” ay nagsasaad ng kawilihan o pag- uugali tulad ng mapagkalinga, mapagkawang-gawa, mapagpatawad — sa tema ngayong taon ay Mapagpalaya. Kung sa gayon, ito ay pag-uugaling nagpapalaya ang mapagpalaya.”
Dagdag pa niya, “Idagdag pa rito ang wika ay tulay sa pagtatamo ng mga konseptong abstrak na magpapalaya sa karahasan sa kaisipan, kamalayan, kahirapan, katayuan, at kamangmangan na napakahalagang gampanin ng wika lalo sa ating mga mag-aaral at kabataan.”
Batay sa KWF Kapasiyahan Blg. 8-2, s. 2024, ang tema ng Buwan ng Wikang Pambansa ay hinati sa limang lingguhang tema: (1) FSL tungo sa Ingklusibong Pambansang Kaunlaran; (2) Sistematiko at maka-Agham na Pananaliksik tungo sa Pambansang Kaunlaran; (3) Paggamit ng Indigenous Knowledge System and Practices (IKSP) sa Scientific Research; (4) Katutubong Wika sa Pagpapaunlad ng Edukasyong Pambansa; at (5) Paglaban sa Misinformation (fact checking).
Tampok din ang iba’t ibang gawaing pangwika sa buong buwan ng Agosto sa lalong pagpapatupad ng Pampanguluhang Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997 kabilang ang limang serye ng webinar, 30 tertulyang pangwika sa pamamagitan ng mga Sentro ng Wika at Kultura sa iba’t ibang unibersidad sa Pilipinas, mga timpalak at gawad, Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko, at Gabi ng Parangal.
Maaaring i-download ang digital copy ng poster sa https://drive.google.com/file/d/1dtT5IhoSj-2gspNxESydWyE-uZRjhJiH/view?usp=sharing
Para sa karagdagang kalamaan sa Buwan ng Wikang Pambansa 2024, bisitahin ang opisyal na Facebook page ng Komisyon sa Wikang Filipino: https://www.facebook.com/komfilgov at makipag-ugnay sa Sangay ng Impormasyon at Publikasyon sa pamamagitan ng email sa <[email protected]>.